Dear Vanezza,
Tatlong taon na kami ng nobya ko, plano na naming magpakasal. Pero ayaw pumayag ng pamilya niya dahil ang nobya ko ang panganay na tumutulong sa dalawa niyang kapatid na high school at college. Pareho kaming may stable na trabaho, pero 29 years old na ang GF ko na baka mahirapan nang manganak kung maghihintay pa kami ng apat na taon. Paano ba namin makukumbinsi ang magulang niya na desidido na kaming magpakasal? – Lando
Dear Lando,
Hindi obligasyon ng anak na akuin ang responsibilidad ng magulang. Pero dahil ang nobya mo ang tumutulong sa pamilya niya, mabigat nga ito. Nasa tamang edad na ang iyong GF, siya ang makapagpapasya na puwedeng hilingin niya sa magulang nito ang inyong desisyon. Bilang mapapangasawa ng iyong nobya, baka makatulong kung pag-aralin ninyo ang high school niyang kapatid, para mapagaan ang bigat ng pamilya ng iyong GF. Para magkaroon ka rin ng pabor sa pamilya ng babae.
Sumasainyo,
Vanezza