NAPAURONG si Ariel nang makita ang anino ng babae, gayung nag-iisa lang naman siya sa lugar na iyon ng simbahan.
“H-huwag kang matakot, Ariel ...”
Lalong natakot ang binata nang magsalita ang anino.
“H-huwag kang lumapit! Ipagtatanggol ako ng mga imahe ng Diyos dito! Kampon ka ng demonyo, ano?”
“Tumiwalag ako sa may-ari ng aking anino dahil ayoko sa mga ginagawa nila! Maniwala ka sana sa akin!”
“Sino ang may-ari ng anino mo?”
“Taga-Itom din siya, Ariel. Kami ay doon isinilang, lumaki. Dalawa kaming anino niya. Ang pangalawa ay masama. Katulad din ng may-ari ng mga anino.”
Natigilan si Ariel. “Si ... Yawan?”
“Kilala mo ...”
“Noong nandoon pa ako sa Itom, alam ng lahat na ang inihahandang reyna o prinsesa ng kadiliman dito sa lupa ay si Yawan. Alam din ng lahat doon na dalawa ang kanyang anino. Ang isa, normal. Ang pangalawa, may sariling kilos at isip. Pero tulad ni Yawan, wala siyang ginagawang kabutihan.”
“Ako ang normal na anino, Ariel! Maniwala ka sana!”
“Umalis na kayo sa Itom, dito pala kayo napadpad?”
“Pinahintulutan ang pag-alis namin. May basbas. At iyon ang ayoko. Dahil ibig sabihin, nakalabas man kami ng Itom, sakop pa rin kami ng kapangyarihan ng demonyo.”
Unti-unti nang nawala ang takot ni Ariel.
“M-mabait ka? Mabuting anino?”
“Hindi nila ako napilit na gumawa ng kasamaan. Aywan ko kung ang tawag doon ay kabaitan na.”
“Mabait ka, iyon ang ibig sabihin noon. Hindi ka katulad ni Yawan at ng kanyang pangalawang anino.”
Nakahinga nang maluwag ang unang anino. “Salamat sa palagay mong iyan sa akin, Ariel. Ngayon ay nabubuhayan ako ng loob. Puwede pala kitang maging kaibigan dahil hindi ka na takot sa akin.”
“Makikipagkaibigan ka sa isang dugyot na tulad ko? Samantalang ikaw, kapag ginusto mong maging prinsesa sa karangyaan ... makukuha mo ‘yon.”
“Pero matatalo ang kaluluwa ko. At ikaw ay magiging kalaban ko. Ayokong maging kalaban ka. Gusto nga kitang maging kaibigan, e. At kung puwede, kasangga. Dahil iyon ang kailangan ko ngayon. Kakampi.” Itutuloy