NAGLALAKAD mag-isa si Roger, pabalik sa bahay nina Sheila. Determinado na siyang humingi ng tawad sa talagang asawa.
At kung hindi man siya tatanggapin ni Sheila sa kanilang tahanan, makikitira na lang siya sa mga kaibigan o kamag-anak na malapit kina Sheila.
Ang importante ay makatulong siya sa pagtiyak na ligtas ang mga ito kina Yawana.
“Sheila? Tao po ...”
Kunot-noong lumabas si Sheila. “Ano na naman ang ginagawa mo dito?”
“Sheila, kahit bilang kaibigan lang at ama ng mga anak natin, puwede bang ituring mo akong kakampi?”
“Hindi namin kailangan ang kakampi na katulad mo, Roger!”
“Maaring nanganganib kayo kina Yawana, humihingi siya ng tulong kay Tagapag-alaga. Isang babaing lider sa Itom. Ang alam ko, mapanganib siya.”
“Nananalig kami sa Diyos, sa tubig na banal ni Inang Maria. Hindi ka na namin kailangan.”
“Hindi ko minamaliit ang tumutulong sa inyo. Pero hindi ba, kung aalisin mo sa dibdib mo ang galit, mas titindi ang kapangyarihan ng Diyos dahil sa kabutihang dinadala mo?”
Natigilan si Sheila.
“Ang galit ay magtutulak lamang sa iyo sa side ng kadiliman. Kapag naalis ang galit mo sa dibdib, naniniwala akong mas titindi pa ang kapangyarihan ng langit. Utang na loob, Sheila ... hanapin mo sa puso mo ang patawad para sa akin.”
Napuno ng hinanakit ang mukha ni Sheila.
Napapaiyak sa galit.
“Hindi ko ‘yan magagawa. Noon, akala ko kapag nakita kita at humingi ng tawad sa akin, mapapatawad kaagad kita. Pero hindi pala. Sumasariwa uli ang mga sugat na nilikha mo, Roger.”
Nanlumo si Roger. Alam niyang sa mga pagkakataon na ito ay nagdidiwang na ang mga nasa kampo ng kadiliman.
Ang galit ng isang mabuting tao ay gagatong sa kapangyarihan ng mga masasama.
Pero hindi naman niya magawang sisihin si Sheila kung nabuhay muli ang galit nito sa kanya.
Tao lang din ito. Hindi santo. Lalong hindi si Kristo. Habang nakatingin siya kay Sheila ay para bang nagiging kamukha ito ni Alona. Galit, mapusok, walang puso. Itutuloy