HIYANG-HIYANG tumayo si Roger. “Maraming salamat, Sheila. At sana, kahit konting-konti lang, mapatawad mo ako.”
Hindi kumibo si Sheila, nananatiling malamig sa asawa.
Kay Nanette naman humarap si Roger. “Anak ... salamat, ha? Kahit hindi mo kami dapat kaawaan, ginawa mo. Ako na ang humihingi ng tawad sa mga ginawa sa iyo ng kapatid mo. Pangako, lagi kong haharangan kung may gagawin na naman siya sa iyo.”
“Salamat ho. Pakisabi na lang ho sa kanya na wala naman akong ginawang mali sa kanya kaya sana, patahimikin na niya ako.”
“Oo, anak. Pangako, sasabihin ko sa kanya ‘yan. At poprotektahan kita laban sa kanya.”
Mapait na ngumiti si Nanette. “Kung magagawa ho ninyo ‘yan, salamat. Sana nga ho, makakatikim din ako ng proteksiyon mula sa aking ama. Tulad ng binibigay ninyong proteksiyon kay Yawana.”
“Wala nang dapat pang pag-usapan, Roger. Umalis ka na. Umuwi ka na sa inyo.” Taboy ni Sheila.
Nakayukong tumalikod si Roger.
Ibinalik naman ni Arturo ang banal na tubig sa bote kay Sheila. “Itago ho ninyong mabuti. Ingatan ninyo. Baka isang araw, kakailanganin n’yo pa para sa kaligtasan ni Nanette.”
“Salamat, Arturo sa pagkampi sa amin.”
“Walang ano man ho, Aling Sheila. Ang totoo ho ay nahihiya naman ako sa inyo dahil hindi ko mapangatawanan ang pagpatay sa anino. Kaibigan ko rin ho kasi si Yawana kaya naawa naman ho ako.”
“Naiintindihan ko, Arturo.”
Umalis na si Sheila para itago sa silid ang tubig na banal na bigay ni Inang Maria.
Niyakap ni Arturo ng buong pagmamahal si Nanette. “Pasensya ka na at nagduda pa ako noon tungkol sa masamang anino. Ngayon, napatunayan ko nang totoo.”
“Salamat, Arturo. Iyon lang naman ang importante sa akin. Na may naniniwala. Na hindi lahat nagsasabi na nababaliw na ako.”
Napatingin sila sa pangalawang anino ni Yawana. Hinang-hina itong lumakad, palabas sa bahay nina Nanette.
“Arturo, halos ikamatay pala niya talaga ang mga winisik mong banal na tubig. Nakita ko, bawat tama ng mga butil ng banal na tubig sa anino ay sumagitsit sa init at apoy.” Itutuloy