Pangalawang anino (16)

Nawirduhan man sa kuwintas na itim na may krus na baligtad, hindi lang umimik sina Alona at Roger.

Kasi nagandahan naman sila sa regalo at tingin pa nga ni Alona ay mamahalin.

Si Roger naman, nahihiyang tumanggi sa regalo dahil ang dami niyang gustong ipagpasalamat sa lugar at mga taong tumanggap sa kanila. At sagana pa sila sa pagkain at pag-aasikaso.

Ang mga sumunod na naghandog ay iba-iba ang mga alay. Alahas. Damit. Sapatos.

Puro kulay itim.

Nagtanong si Alona matapos matanggap ang lahat na handog. “Siguro naman, hindi ibig sabihin na puro itim ang inyong mga regalo ay hindi namin puwedeng suotan ng ibang kulay ang aming anak?”

“Ako ang sasagot niyan, Alona.” Sabi ni Tagapag-alaga.

“Habang wala pang anim na buwan ang inyong anak ay puro itim muna ang kanyang mga kasuotan. Mula ulo hanggang sa mga paa.”

“Bakit naman, Tagapag-alaga?”

“Huwag muna kayong magtanong ngayon. Maghintay at malalaman ninyo ang sagot. Hindi ordinaryo ang inyong anak. Magtataglay siya ng kakaibang pagkatao.”

Binulungan ni Roger ang kalaguyo. “Tahimik ka na, Alona. Tingin ko naman wala tayong dapat ireklamo. Eh, de itim kung itim. Basta ba huwag lang saktan ang baby natin. At tayo, huwag na rin nila tayong saktan.”

“Sabihin na natin sa kanila ang gusto nating ipa­ngalan sa ating anak, Roger. Siguro naman tayo ang masusunod sa ipapangalan natin, hindi sila.”

“Oo. Pero gagandahan natin ang ating pananalita. Para hindi naman nila masabing inggrato at inggrata tayo.”

“Sige ...”

“Tagapag-alaga, may naisip na kaming ipapangalan sa aming anak. Gusto mo bang malaman? Maganda ang naisip namin.”

“Huwag na kayong mag-abala. May nakatakda na siyang pa­ngalan.”

Umasim ang mukha ni Alona.”Ha? Kayo na naman ang masusunod?”

“Hindi magiging ganap ang kanyang natatanging pagkatao kapag hindi ang nakatakdang pangalan ang ibibigay natin sa kanya.”

Sumenyas si Roger kay Alona na ang ibig sabihin ay huwag na itong magmatigas.

ITUTULOY

Show comments