Pangalawang Anino (09)
Pulang bestida ang suot ni Alona na maluwang kaya para na ring pambuntis.
Pulang pantalon at polo naman ang suot ni Roger, nagustuhan nito ang kanyang kasuotan.
Sa isang napakalaki at maluwang na bahay sila dinala ng Tagapag-alaga. Marami nang naroroon pagdating nila.
Mga nakapula rin. At kaygaganda ng ngiti sa kanila. Para bang tuwang-tuwa nang makita sila.
At sabay-sabay na yumukod ang mga ito sa kanila. Pakiramdam naman ng magkalaguyo sila ay celebrity.
“Alona, ‘buti na lang maganda ka at guwapo pa rin ako. Nakakahiya naman kung tatratuhin tayong espesyal tapos hindi tayo kagandahan at kaguwapuhan.”
“Ang suwerte talaga natin dito sa magiging anak natin. Aba, nasa tiyan ko pa lang, sikat na tayo. May mga bata talaga na nagdadala ng blessings sa kanyang mga magulang!”
“Lalo na siguro kapag ipinanganak na natin siya, Alona. Baka kaban-kaban na yaman ang ibubuhos sa atin!”
Nagsalita ang Tagapag-alaga. “Alam ko na lahat kayo ay nananabik makakurot man lang sa kapuri-puring tiyan ng ina ng ating Bukod-Tangi. Kaya simulan na ang pagpila at bawat isa ay puwedeng makaranas ng munting glorya.”
Ang bilis nakapila ng mga taong nakapula.
Kinabahan si Alona, bumulong kay Roger. “Roger, tama ba dinig ko? Na lahat sila ay kukurot sa akin?”
“Iyon din ang dinig ko, Alona.”
“Ayoko nga! Ano mangyayari sa tiyan kong napakakinis pa naman kung maraming-maraming kukurot sa akin?”
Hinarap si Alona ng Tagapag-alaga, pormal na pormal ang mga mata nito. “Hindi ka maaring tumanggi. Ang utos ng kataas-taasan ay hindi puwedeng tanggihan.”
“Pero ...”
“Napakaliit na sakripisyo lamang, Alona ... kumpara sa pag-aalaga ko sa inyo. Pinatira ko kayo sa napakaalwan kong bahay, pinakain ng lahat na masasarap, dinulutan ng iba pang pangangailangan ninyo at para na ring nailigtas ko kayo sa mga mababangis na taong humabol sa inyo.” Matalim ang mga matang nanunumbat ang Tagapag-alaga.
Kinilabutan naman ang magkalaguyo, sumunod na lang sa utos.
- Latest