House Of Death (172)
MALUNGKOT na sumagot si Benilda. “Narinig ko ang sinabi sa inyo ni Father Basti. Palagay ko tama siya. Nakapitong sundo na sa amin ang langit hindi kami sumama. Dahil gusto pa naming linisin ang aming pinakamamahal na mansiyon at bakuran. Ang legacy ng aming pamilya. Hindi namin matanggap na ang mga masasamang kaluluwa ng aming mga kamag-anak na isang sekto at nagpakamatay ay naghahari na ngayon dito.”
“Nagsisisi ka na ba? Kayo ng mga magulang mo sa inyong naging desisyon?”
“Ano na ba ang nangyayari sa amin ngayon? Hindi ba ang tagal na naming nakikipaglaban sa masamang puwersa, sa kanilang masamang panginoon ... pero nanalo ba kami?”
“Alam natin ang sagot. Naririto pa rin sila. Hindi nababawasan ang lakas. Umalis nga sila sa loob pero nagkukuta naman dito sa labas. At nandidiyan lang din sa tabi ng pinaglibingan ng inyong mga alahas ang sagisag ng kanilang masamang panginoon.”
“Oo nga. At alam mo bang ... pagod na ako? Pati mga magulang ko.”
“Kung ganoon, pumunta na tayo sa langit.”
“Anna, ikaw na lang ang may pagkakataon. Pangalawang pagsundo pa lamang ang gagawin nila sa iyo. Pero kami, tapos na ang nakalaan sa aming pito.”
“Benilda, ano ba’ng maari kong sabihin para magkapag-asa kayo?”
Tumingin si Benilda kay Anna, luhaan. “Matutuwa na kami para sa iyo, Anna. Sumama ka na sa liwanag sa kanilang pagbabalik.”
“Iyan na nga ang gusto ni Mario, e.” Naluha si Anna.
“Huwag ka nang malungkot. Ibigay mo na ang buong tiwala mo sa Diyos. Iwan mo na ang iyong pamilya at manalig ka sa tamang gagawin ng ating Diyos.”
“At kayo?”
“Tanggap na namin na hanggang walang hanggan ay hindi na kami makakaalis dito. Pinili namin ang material na bagay kaysa kaligayahan sa langit kaya hindi na kami aasa.”
“Benilda ...”
At lumitaw sa tabi ni Benilda ang kaluluwa ng mga magulang.
Parehong malungkot. Pagod. Nagsisisi.
“Kasama mo naman ang mga magulang mo. Iyon na lang ang isipin ninyo. May kaligayahan pa rin dahil magkakasama kayo.”
“Salamat, Anna, ha? Kahit nagkamali kami, hindi ka nagalit sa amin. Naiintindihan n’yo pa rin kami. Pinarusahan namin ang mga bata, ang mga anak nina Temyong at Azon. Nagsisisi kami, humingi na kami ng tawad sa Diyos.”
Dalawang Labas Na Lang
- Latest