NATIGILAN sina Mario at Anna.
Ngayon nila naiintindihan ang lahat.
Dasal sila nang dasal sa Diyos, minsan nga tinulungan naman sila ng Diyos. Pero nanahimik na Siya.
At ano ang ginagawa nila? Ngayon na kaluluwa na lang si Anna, tumanggi ito sa pagkuha sa kanya ng langit.
Dalawang anghel pa ang sinugo ng Diyos para lang siya madala sa dapat niyang kalagyan.
Pero hindi siya sumama. Dahil ang gusto niya ay uunahin ang pag-ayos ng kalagayan ng pamilya dito sa lupa.
Uunahin ang maayos na bahay at bakuran na matitirhan. Madasalin sila, naniniwala sa Diyos, mahal ang Diyos ... pero ginagawa ba nila ang tama para mapatunayang Diyos ang importante sa lahat?
Parehong napayuko sina Mario at Anna.
“Parang tama kayo, Father ...”
“H-Hindi namin ibinigay sa Kanya ang buong pagtitiwala. Hindi Siya ang ginagawa naming pinakaimportante sa lahat.”
“Exactly. Hindi ba merong kuwento sa bibliya ... isang ama na inutusan ng Diyos na patayin ang sariling anak bilang alay sa Kanya? Kahit ang ama ay tutol na tutol na kantiin man lang ang anak pero dahil nga buo ang tiwala niya sa Diyos, gagawin niya ito ng pikit-mata?”
“Naaalala ko ang kuwentong iyan sa bibliya, Father. Pero hindi rin naman pinatuloy ng Diyos ang pagpatay ng ama sa kanyang anak ... sinubukan lang daw Niya ang ama, gusto niyang malaman kung hanggang saan ang pananalig at pagmamahal nito sa Kanya.” Nakangiting sinabi ni Mario.
“At kayo, ikaw, Anna ... pinasusundo ka na ng Diyos, may dalawang anghel pa, ganoon ka ka-espesyal ... pero ano ang ginawa mo? Hindi mo Siya binigyan ng halaga. Akala mo kapag nandidito ka sa lupa, tulad nina Benilda ... magagawa ninyong labanan ang mga masasama sa mansiyon. Ayaw ninyong ipagkatiwala sa Panginoon ang paglinis ng mansiyon.”
Ganap na ganap na ang pagkaunawa nina Anna at Mario sa lahat.
NAKITA ng kaluluwa ni Anna si Benilda sa may hardin, tahimik na nakaupo.
“Ano ang ginagawa mo dito, Benilda? Nandidiyan lang sa tabi-tabi ang mga maiitim na multo, buti hindi ka nila sinugod at pinagtulungan.”
“Anna, narinig ko kasi ang sinabi noong pari sa inyo ni Mario. Siguro nga tama siya.”
Tatlong Labas Na Lang