ANG wheelchair sa bodega ay parang makinang nag-a-activate. May kung anong puwersa mula sa labas na nagpapabuhay ng galit nito.
Pero sa hindi malamang dahilan, hindi ito basta makalabas sa bodega. Para bang may limitasyon ang kanyang lakas.
Matatandaang noong nilabanan ito ni Father Basti ay napakaraming holy water ang naibuhos at naiwisik sa wheelchair.
Pero mas marami ang tumapon sa sahig dikit sa pinto ng bodega. Kung ang holy water na naiwisik at natapon sa wheelchair ay nakayang talunin ng masamang puwersa ng wheelchair, ang holy water na halos hindi pa rin tuyo sa marmol kadikit ng pinto ng bodega ay matindi pa rin ang makalangit na bisa.
Sa labas ng bakuran ng mansiyon ay may pumaradang motor, ang nagmamaneho ay guwapo at mukhang mabait na young man.
Nakaangkas sa likod ang dalagang panganay nina Anna at Mario.
“Dito pala kayo nakatira, famous ang mansiyon na ito sa mga multo, ah. Buti hindi ka natatakot.”
“Natatakot din pero hindi kami dapat umalis dahil sa takot. Kaya lumalaban kami. Isang araw, naniniwala ako na maninirahan kami diyan na wala nang kinatatakutan, peaceful.”
“Wow, hanga ako sa tapang mo. O paano, my sunshine, aalis na ako. Masyado naman akong presko kapag aasahan ko na unang hatid ko pa lang sa iyo ay papapanhikin mo na ako para makapagkape.”
Nag-blush ang dalaga. “Bakit ba ‘yan ang tawag mo sa akin?”
“My Sunshine? Kasi bagay sa iyo.”
“ Salamat sa paghatid, ha, Gary?”
“Sana huwag kang magsawa na ihatid ko. Kahit walang kape.”
Umalis na si Gary, ang hindi nito alam, siya ang dahilan kaya ang wheelchair ng multo ay umuusok.
Natitigilan naman ang panganay nina Mario. “Bakit kaya ako biglang kinakabahan? May kasamaan na naman kayang gagawin ang mga masasamang multo dito?”
Patuloy ang pag-usok ng wheelchair sa loob ng bodega.
SINA Mario at Anna ay nag-uusap pa rin.
“Kung ganoon, hindi mo pa kami iiwan?”
“Pero mangyayari din ‘yan, Mario. Ang importante sa ngayon, habang naririto pa sa lupa ang kaluluwa ko, lalakas kami ni Benilda laban sa mga kaaway.” ITUTULOY