House of Death (160)

NAKATINGIN ang mga anak ni Anna sa kanilang dalawa ni Benilda na nag-uusap sa may hardin.

“Anong tinitingnan ninyo diyan?”

“Itay ... sina Inay po at Aling Benilda. Buti na lang po nakikita namin sila. Di po ba, sabi ninyo, mas maraming tao ang hindi nakakakita ng mga ispiritu?”

Nakikita rin ni Mario sina Anna at Benilda.

Naluluha at napapangiti ang bagong biyudo.

“Para ngang isang regalo mula sa Diyos na kaila­ngang kailangan natin ang ating third eye, mga anak. O pangatlong mata. Na nakakakita ng mga hindi na pisikal na nilalang. Paano na lang kung wala tayong ganitong kakayahan? Hindi na natin talaga makikita ang inyong ina at napakasakit noon.”

“O, Itay ... huwag na kayong umiyak. Dapat nga matuwa na lang tayo. Kasi parang kasama pa rin natin si Inay.” Pinayuhan ng panganay na dalaga si Mario.

“Iba pa rin kung buhay sana siya. Ang hindi ko matanggap, hindi siya pinatay ng mga masasamang multo. Pero napatay siya ng isang masamang tao. Walanghiya ang Candida na ‘yon, anong karapatan niyang gawin iyon sa inyong ina?”

“Wala na po tayong magagawa, Itay. Di ba, pagdudusahan niya naman po? Madadagdagan ng napakaraming taon ang pananatili niya sa bilangguan.”

 Napabuntong-hininga na lang si Mario. Hindi matapus-tapos ang kanyang paninisi, kailan kaya siya matututong tumanggap ng katotohanan?”

Nang bigla na lang napatingin sa kanilang kinaroroonang bintana sina Anna at Benilda. Nag-aalala ang mga mata.

Naalerto si Mario. Agad tumingin sa likod at nakita niya ang dahilan.

Ang mga multong maiitim, napapalibutan na sila.

“Mga anak! Sasaktan tayo ng mga ito! Kapit-kamay tayo at tumakas! Dito tayo sa kanang tabi!”

Pero may humarang na rin kaagad sa butas ng mga nakapalibot sa kanila. Dalawang maiitim na multo. Siksikan na ngayon ang mga multo, palapit sa kanila, kukuyugin ang mag-aama.

Nang biglang  may humila nang malakas sa mga maiitim na multo. Anim kaagad ang natanggal sa mga nakahilera.

“Anna! Benilda!”

Ang dalawa nga ang sumugod at lumaban.

Napasigaw ang bunsong anak, natuwa. “Ang galing ni Inay at ni Aling Benilda! Ang tatapang nila! Sige, Nay, fight! Fight!”

 ITUTULOY

Show comments