House Of Death (142)

SA OSPITAL, kung saan naka-confine pa si Temyong at mga anak ang nagbabantay, nagtataka na ang tatlo dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin bumalik sa ospital ang kanilang ina.

“Ano na kaya nangyayari kay Inay? Ang sabi, mangu­nguha lang siya ng mga mahal na antigong gamit para maibenta, bakit ang tagal naman niyang duma­ting?”

“Nagugutom na nga ako, e. Wala pa naman tayong pera. Halos pamasahe lang papunta dito sa ospital ang binigay sa atin ni Mang Mario.”

“Kuya, baka ... may masama nang nangyari kay Nanay? Baka sinaktan na ng multong si Benilda, iyung sumakay sa likod natin pati mga magulang niya?”

“Hindi naman siguro. Bumait na nga ang multong si Benilda, hindi ba? Umalis na sila sa likod natin kaya hindi na tayo nahihirapan. Hindi na tayo kuba. Tingnan mo nga, o.”

“E, bakit nga hindi na tayo binalikan ni Inay? Kahit naman sabi nina Mang Mario at Aling Anna, mga salbahe mga magulang natin pero alam natin, na sa atin  mababait sina Inay at Itay.”

“Maghintay-hintay pa tayo. Baka pabalik na si Inay. May konti pang natira dito sa bigay ni Mang Mario, bibili lang ako ng makakain. Kahit saging, kahit biskwit. Tapos kailangan din natin tubig.”

“Sige, Kuya ... aantayin ka namin.”

Lumabas sa ospital ang panganay, nakahanap ng malaki-laking sari-sari store.

“Pabili ng bisk...” Hindi naituloy ng panganay nina Temyong ang sasabihin, napatingin sa bukas na TV.

Kahit naka-make up at akala mo celebrity kung umasta, agad nakilala ng anak ang kanyang ina.

“Si Inay! Bakit nandidiyan siya sa tv? Bakit parang ang sikat-sikat niya? Kaya naman pala niya kami nakalimutan ...”

Sa napanood ng pa­nganay nina Temyong at Azon, naintindihan na niya kung bakit bidang-bida sa tv ang kanilang ina.

Takbo pabalik sa ospital ang panganay nina Temyong, humihingal na nagbalita sa dalawang kapatid.

“Ang Inay, nagkuwento na sa mga taga-TV tungkol kina Benilda at iba pang multo. Tungkol sa pumapatay na multo sa antigong wheelchair. Tungkol sa mga namatay sa mansiyon dahil sa ating panginoon at masasamang multo! Sikat na sikat siya, tiyak napakarami nang pera!”

(Itutuloy)

Show comments