• Bilang isang Katolikong bansa at mga paniniwala ng simbahang Katoliko, hindi ako sang-ayon sa maagang pamimigay ng condoms sa mga kabataan. Para kasing inuudyukan nito ang mga bata na makipagtalik sa murang edad. Noong nasa hayskul pa lang ako, ni hindi pa sumasagi sa isip ko ang pakikipagtalik. Siguro nga late bloomer ako pero ang maagang pakikipagtalik ay isang malaking problema kung nakasanayan na.
– Luis, Pasig
• Tama lang na mamigay na ng mga condoms sa kabataan lalo na sa mga eskwelahan. Sa panahon ngayon kailangan nang maging praktikal. Ang daming nabubuntis ng maaga dahil walang magamit na condoms ang mga kabataan. Hindi kasi madaling makabili ng condoms ang menor de edad. Pero sa kalagayan ng bansa, mas makatutulong siguro kung maagang matuturuan ang kabataan ng safe sex. – Ging, Tacloban
• Hindi ako pabor sa planong pamimigay ng condoms sa mga kabataan. Kahit pa sabihing bilang proteksyon lang ito sa maagang pagbubuntis at sakit. Ang mga kabataan ay hindi pa dapat iniisip ang mga ganitong bagay. Ang pagtatalik ay dapat nagaganap lamang sa dalawang indibidwal na kasal na sa simbahan. Isang pag-uudyok ito na tama lang ang makipagtalik kahit wala pang asawa. – Erwin, Davao
• Tumataas na ang bilang ng may sakit na HIV at AIDS sa bansa. Mas mataas ang bilang ng mga kabataang nagkakasakit. Sa palagay ko tama lang na bigyan ng condoms ang mga kabataan dahil sila ang mapupusok lalo na sa panahon ngayon. Naniniwala ako na kaya pang isalba ang susunod na henerasyon kung maaga silang mabibigyan ng proteksyon.
– Tori, Zamboanga
• Tamang edukasyon lang siguro ang kailangan. Kung magbibigay kasi ng condoms sa kabataan parang sinabi mo na ring makipagtalik sila at normal ang gawaing ito sa mga kabataan. Maganda ang layuning ito pero sa tingin ko masyadong bata ang mga high school students. Sa kolehiyo siguro ay maaari pa.
– Ernesto, Isabela