NAABUTAN sila sa pintuan ng mansiyon. Nakiusap ang mga reporters.
“Sir, baka puwedeng ma-interview? Gugustuhin n’yo po bang si Aling Azon lamang ang magsasalita tungkol sa mansiyon na ito, at para sa mga tao dito?”
“Hindi ngayon ang tamang panahon. Marami kaming problema. Maraming patayan ang nangyayari, gagawin lang kumplikado ng media ang mga nangyayari dito sa mansiyon.” Magalang na sagot ni Mario.
“Pero totoo ba ‘yung narinig namin kay Aling Azon na ang mag-asawang Mario at Anna raw ay may mga ginawang pagsamba sa masamang puwersa? At ginamit lang daw ang pamilya nila para makinabang ang pamilya nina Mario at Anna? At nagnakaw pa nga raw ang mag-asawa ng mga mamahaling gamit sa mansiyon. Pumigil sila pero hindi raw pinakinggan.”
Nanggalaiti si Mario. “Siniraan niya kami? Kami pa ang masama? Ang asawa kong mabait ay biktima. Hindi dapat kay Anna nangyayari ang pagdurusa. Dapat kina Azon at Temyong dahil sila ang masama!”
“Kayo po ba si Mario?”
“Ako nga. At wala akong balak sa ngayon na harapin kayo kahit marami kayong sinabi na hindi totoo at dapat kong ituwid.”
“Masisira ho pagkatao ninyo habang panay ang pa-interview niya na kayo ang itinuturong masasama.”
“Mahaharap ko rin ‘yan kapag natapos na namin ang mga mas matitinding problema dito sa mansiyon at antigong wheelchair! Halika na, Father. Huwag na kayong sumunod, magkaroon naman kayo ng delikadesa kung totoong legitimate media kayo.”
Natigilan ang taga-media.Tumigil na lang sa labas ng pinto.
Hinayaan na sina Mario at ang bata pang pari. Kanya-kanyang sulat na lang ang mga reporters, tawag sa celfone sa kanilang base station, para magpaabot ng mga impormasyon na kahit papaano ay nakuha nila kay Mario.
“Grabe pala ang gulo sa mansiyon na ito. Mga tao, magkakalaban. Tapos marami pa raw yatang iba-ibang klaseng multo. May mga mabuting multo, may mga masasamang multo.”
“At may puwersa ng Diyos, may puwersa ng demonyo. Ang mansiyon na ito ay talagang may mga highest points of interest!”
Kinunan nila ng larawan ang buong mansiyon mula sa labas. Kumuha rin sila sa mga sulok ng bakuran. May isang cameraman na may sixth sense, nahagip ng kanyang lente ang mukha ni Benilda. Itutuloy