House Of Death (137)

NAGTATAKA na ang mga kasamang preso ni Anna dahil nagsasalita itong wala namang kausap.

“Nagkatopak na yata dahil hindi matanggap na nasa loob siya ng rehas.”

“Eh, hindi ba noon pa naman ‘yan panay banggit ng mga multo? Multo raw ang nagpahamak sa kanya? Kahit nga kausap ‘yung asawa at mga anak, multo pa rin ang pinag-uusapan.”

“At ngayon, kina­kausap ang hangin, na tiyak na multo din ‘yan.”

“Paano kung totoo? Kasi tingnan mo ang itsura niya, para talagang may kinakausap na hindi lang natin nakikita.”

“Naniniwala ka ba sa multo?”

“Ang mga nakakakita raw ng multo ay may kakayahan. Tayo, walang kakayahan kaya hindi tayo nakakakita ng mga ispiritu lang. Kung minsan, nararamdaman natin.”

“Walang multo! Sira-ulo lang talaga ‘yan!”

“Hindi! Meron!” Isa sa mga presong babae ang kumontra.

Nakatingin ito sa harapan ni Anna.

“Hoy, ano’ng sinasabi mo diyan, ha, Irma?”

Namumutla ang presong nakakakita raw. “Eh, kasi ... nakikita ko ‘yung babaing maputla na nasa harapan niya na nakaitim, e. Hindi ninyo nakikita?”

“Wala kaming nakikita. Loka ka, Irma ... pinag­loloko mo ba kami? Magkakasama tayo!”

“Hindi ako nagloloko. Sa nakikita ko, e. Naririnig ko pa nga ang sinasabi niya. Tungkol nga sa antigong wheelchair na kinakasangkapan daw para pumatay. At itong si Anna ay kinakasangkapan din noong multong may-ari ng antigong wheelchair.”

“Irma! Tumigil ka na nga!”

“Maniwala kayo, may kausap talaga siyang babaing nakaitim! Siguro pareho kami! Siguro pareho kami ni Anna na may kakayahang makakita ng multo!”

NAKIKIUSAP si Mario sa batang pari. “Father, utang na loob, ikaw na lang ang naiisip kong makakatulong sa asawa ko. Baka puwede ninyong labanan ang multo sa antigong wheelchair na gumagamit sa asawa ko.”

“Mario, kahit ano gagawin ko para makatulong. Pero sigurado ka bang ako ang kailangan sa kasong ito?”

“Bata kayo, malakas, naniniwala akong buo ang debosyon ninyo sa pagkapari, maaring kayo ang puwedeng lumaban. Kailangan lang sumama kayo doon sa mansiyon!” -  Itutuloy

 

Show comments