DAHIL takot pa ring bumalik sa loob ng mansiyon, nag-isip ng maidadahilan si Azon para hindi sa loob gagawin ang interview.
“Sa ngayon, hindi ako naniniwalang dapat ko na kayong dalhin sa loob. Makuntento kayo sa sasabihin ko, sa mga ikukuwento ko. Ibang pagkakataon naman ang pagdala ko sa inyo sa loob.”
Napaismid ang isang reporter. “At ibang bayad naman?”
“Bakit? Masama? Kayo, ang mga istasyon ninyo, gustong kumita nang limpak-limpak kaya nandidito kayo para mangyari iyon. Ako, gusto ko ring kumita. Kaya kailangan utakan ko kayo.”
“Nasa inyo na ang bayad bago ninyo sinabi na dito lang pala kami sa labas, Madam.”
“Pasensya kayo. Hindi naman kayo nagtanong kaagad, e. Mukha ko naman ang nakaharap sa kamera kaya huwag kayong magreklamo. Marami akong ikukuwento na nakakapanindig balahibo. Siguradong maniniwala sila. Kung ayaw ninyo, umalis na lang kayo. Pero hindi ko na isosoli ang bayad dahil pinagod n’yo ako sa katatalak dito!”
Nagpakahinahon na lang ang reporter at kanyang crew.
“Sige ho, dito na lang namin kayo iinterbyuhin.”
“Ganyan. Matino naman pala kayo.”
Hindi nagtagal at na-set up na ang lugar ng interview. May giant umbrella, may mga upuan, may dalawang electric fan.
Nakisama naman ang ulan, tumigil.
Marami sa mga sagot ni Azon sa interview ay hindi totoo. Puro pakabig, puro sila ang bida.
“Natakot kasi ako sa multo ni Benilda kaya hindi ako pumayag sa alok niya na dito kami titira. Nang nalaman nina Mario at Anna ang tungkol sa mansiyon na ito, sila ang nakiusap sa multo na sa kanila na lang ibigay ang mansiyon at malawak na bakuran. Pero mga duwag sila, mga takot sa mga masasamang multo na nandidiyan din. Kaya nakiusap sila sa asawa kong si Temyong na samahan namin sila. Eh, matapang si Temyong ko, naaawa sa kanila, kaya sumama at pati kami napakiusapang sumama na rin.”
“Alam ninyo kung sino ang mga pumapatay diyan?”
“Mga masasamang multo at si Benilda. Kasi sumasamba sa masamang panginoon sina Mario at Anna. Kaya nagkakaroon ng patayan. Kaya nga nasa kulungan ngayon si Anna. Dahil pati siya, pumapatay na rin. Nahawa na rin ng kasamaan.” Tutuloy