NAGHINTAY sina Mario at Anna sa sinabi ni Mario. Pero walang nangyayari. Wala silang nakikitang multo at kuba pa rin ang mga bata.
Nang may narinig sila.
Mga hagikhik.
“Mario, sino’ng mga humahagikhik na parang tuwang-tuwa. Malasademonyo! Hindi naman siguro sina Benilda?”
“Hindi. Tiyak ang mga maiitim na ispiritu. Narinig ko na ang mga hagikhik na ganyan. Natutuwa sila. Paano, umiitim na rin ang mga kaluluwa nina Benilda.”
“Mario, hindi naman siguro. Huwag naman sana.”
“Bakit ko iisiping hindi? Tingnan mo ang mga batang ‘yan. Mabuti ba ang gumagawa niyan?”
“Natatalo lang ng galit, Mario.”
“Masama pa rin ang mabulag sa galit. Kaya kailangan kong tumawag ng pari. Kailangang mabasbasan sina Benilda. Baka sakaling bumalik sa dati.”
Kinabahan si Anna. “Paano kung hindi? Paano kung ... maulit ‘yung pagkamatay ng pari? Hindi ka pa ba natatakot, Mario? Tuwing lumalaban ang mga masasama, may namamatay na tao!”
“Anna, kapag nagpatalo tayo sa takot, ang susunod sigurong magiging masama ay tayo na. Dahil kapag nagpatalo tayo sa takot, ibig sabihin, titikisin natin ang mga batang ‘yan. O, hindi ba masama ‘yon?”
Hindi nakasagot si Anna.
Biglang naalala nang parang nawala siya sa sarili at nang magising ay nakaupo na sa wheel chair na may misteryo. Kinilabutan siya.
“Mario, mabalik lang ako doon sa wheel chair, wala nga ba kaya akong kasalanang nagawa habang nakasakay ako doon? Hindi nga ba kaya ako ang pumatay doon sa lalaking binangga raw ng wheel chair?”
“Hindi ba sinabi nila na matandang lalaki ang nakita nilang sakay ng wheel chair?”
“Paano kung ... ako pala ang matandang lalaking ‘yon? Paano kung “binulag” lang ang mga nakakita para maitago ang totoong kriminal na ... ako pala?”
“Anna, puwede ba ... huwag na muna nating idagdag ‘yan sa ating problema? Ipapahamak mo ang sarili mo kung iyan ang paniniwalaan mo. At lalo tayong mawawalan ng pag-asa kung totoo ‘yan.” Itutuloy