TULIRO pa rin si Anna, walang matandaan. At doon siya natatakot na wala siyang matandaan.
Bakit nga ba siya nakaupo sa antigong wheel chair gayung ang lamig-lamig nito?
“Mario, natatakot ako, ano’ng ginawa sa akin ng wheel chair na ito?” Nakita nila ang mga nagtakbuhang tao patungo sa isang direksiyon.
Narinig nilang may nagtanong at may sumagot.
“Pare, ano ba ang titingnan natin doon? Ano ang nangyari?”
“May pinatay daw, pare. Ang nakakapagtaka, ang pumatay daw ay isang matandang lalaking naka-wheel chair!”
“Ano? Paano ‘yon nangyari?”
“Binangga raw ng ubod nang lakas ng wheel chair ‘yung namatay. Bumagsak, una ang ulo sa semento. Hindi na nagising.” Nagkatinginan sina Mario at Anna.
“Mario, narinig mo ‘yon? Pinatay daw ng isang nakasakay sa wheel chair, binangga kaya bumagok ang ulo sa semento.”
“Narinig mo rin naman siguro na matandang lalaki raw ang nakasakay sa wheel chair at bumangga doon sa namatay.”
“Hindi ako ‘yon?”
“Paanong maging ikaw? Babae ka, maganda. Ang layo mo naman sa matandang lalaki! Halika na, umuwi na tayo. Naroroon na sa ospital si Azon, siya naman magbantay sa asawa niya.”
“Iwan na lang kaya natin dito ang wheel chair na ito, Mario? Natatakot ako dito.”
“Hindi atin ito, Anna. Nakita lang natin doon sa bodega ng mansiyon nina Benilda. Nagagalit tayo kina Temyong dahil ibinenta ang mga gamit sa mansiyon tapos tayo ngayon hindi natin ito isosoli kung saan ito nakatago?”
Napayuko si Anna, napahiya.
“Sori. Hindi ko alam kung bakit tuliro ako ngayon. Sige, Mario. Ibalik na lang natin ang mahiwagang wheelchair na ito sa bodega nina Benilda. Kung sana lang nakikita natin si Benilda para matanong tungkol sa wheelchair. Maaring alam niya kung bakit ito ganito.”
“Hindi ba nagtapat na si Gela? Na hindi lang natin nakikita sina Benilda pero nakapasan pa rin sila doon sa likod ng tatlong bata? Haharapin natin siya ngayon, kahit hindi natin nakikita, kakausapin natin.”
ITUTULOY