HINDI malaman nina Temyong at Azon kung paano ilabas ang mga ginto at alahas.
“Temyong, hindi kaya baka manakaw sa atin kung sabay-sabay nating ilabas? Alangan namang isasanla lang natin ang mga ‘yan? Dapat ay ibenta talaga para malaki agad ang pera at hindi na kailangang tubusin ang mga ‘yan.”
Nag-isip nang husto si Temyong. “Pero paano kung makikita din nina Mario kung nakatago lang dito ang iba?”
“De ibahin natin ang taguan. Siyempre kung dito sa tokador, malamang talaga makikita nila.”
“Ilibing kaya natin sa bakuran na tayo lang ang nakakaalam, Azon.”
“Mabuti pa. Doon sa pinakalikod, sa pinakadulo. Sa maraming tanim at may mga punong-kahoy.”
“Paano kung hindi natin maalala?”
“Hindi naman tayo tanga, ano? Tayuan natin ng palatandaan na hindi natin makakalimutan.”
“Ano naman kaya ‘yon, Azon?”
“Tusukan natin ng kahoy na matulis, pinturahan natin ng itim.”
“Okey iyang paraan mo. Galing talaga ng misis ko. Umaayos na ang utak, yumayaman na kasi.”
Humahagikhik pa si Azon habang ginagawa ang kanyang naisip na paraan.
DUMATING na sa mansiyon sina Mario, kasama ang hepe at dalawa pang pulis.
“Dito na pala kayo nakatira. Buti naman. Nakakaawa rin naman talaga kayo na nagtitiyaga sa tabing ilog na konting ulan lang, inaanod na kayo. Ano ito, nabili ninyo o namana? O kaya baka kayo ang ginagawang katiwala kaya libre na kayong tumira sa napakagandang bahay na ito?” Na-impress naman ang hepe.
“Hepe, isang napakabait ho na babae ang nagpamana sa amin nito. Kapalit naman ho ay aalagaan namin at mamahalin ang ari-ariang ito. Inilagay po talaga niya ang pangalan namin ni Anna sa titulo. Legal po talaga.”
“Masuwerte kayo. Kaya magpakabuti talaga kayo dahil biniyayaan kayo. Ang nakakalungkot lang, dito pa namatay si Father Sebastian.”
“Kaya nga po handa kami na mag-imbistiga kayo dito. Gusto n’yo na po bang makita ang imahe na dahilan kaya tumalsik si Father, bago nabagok ang ulo at namatay?”
“Oo, handang-handa kami. Hindi kami matatakot sa pag-alam ng katotohanan. Nasaan na ba ‘yang imahe na ‘yan? Hindi na ako makapaghintay na makita, a.” Itutuloy