Pabor ba Kayo sa Panukalang ‘No Age Limit’ sa Trabaho?

Oo naman pabor ako riyan. Sa hirap ng buhay ngayon, mahirap na rin makahanap ng trabaho ang mga “lampas” na sa age limit na tulad ko. Masyado kasing mababa ang age limit ng mga kinukuha nila sa trabaho. Dapat isipin din nila na kaya pa rin naman ng mga nasa edad 30-40s na makapagtrabaho. Ang retiring age nga ay 60 ‘di ba? - Lance, Mandaluyong

Hindi ako pabor. Tama lang na magkaroon ng age limit sa pagtanggap ng mga empleyado. Kasi siyempre para mabalanse ang mga tao sa atin. Paano naman ‘yung mga bagong gradweyt? Mas dadami ang kakumpetensiya nila sa kanilang unang trabaho dahil pati matatanda ay kaagawa na nila. - Raffy, Laguna

Sang-ayon ako na tanggalin ang age limit pagda­ting sa mga trabaho. Hangga’t kaya pa naman kasi ay dapat bigyan pa ng pagkakataong makapagtrabaho ang isang tao. Isa pa, hindi dapat sa edad tumitingin kundi sa kakayahan ng isang manggagawa. Ang experience niya dapat ang pinagtutuuanan ng pansin. - Simon, Palawan

Naku, pahirapan na lalong makahanap ng trabaho ‘yan ‘pag nagkataon. Eh mag-iisang taon na nga ang gradweyt sa kolehiyo wala pa rin akong mapasukang trabaho. Kung gagawin ito ng pamahalaan ay dapat sigurong gumawa sila ng paraan para mas maparami ang mapapasukang trabaho. - Marcus, Cavite

Dapat lang naman talagang tanggalin ang age limit para mas mabawasan ang walang trabaho sa bansa. Biruin n’yo ang mga natanggal sa trabaho o umalis sa trabaho na medyo may kaedaran na ay maaari pa ring maghanap-buhay kung nanaisin nila. Ito’y para sa pantustos sa kanilang mga pamilya. - Luis, Makati

Show comments