BUMUWELO na si Mario para lakarin at marating ang dining room muna. Makapa ang switch at mabuksan ang ilaw. At lumakad na siya nang mabilis patungo sa dining. Pagdating niya sa madilim na bahagi, sumalubong sa kanya ang malakas na puwersa.
Sa malapitan, halos kadikit na ng mukha at katawan, nakikita at nararamdaman niya ang mga aninong itim. Ang mga ito ang tumutulak sa kanya.
Buong tapang na nanindigan si Mario, itinanim mabuti ang mga paa sa sahig para hindi siya matumba o maiitsa sa malayo.
“AAAAHHHHHH!”
Ang itim na aso at pusa ay tumabi sa kanya at kitang nilalabanan din ang puwersa, nakikiisa kay Mario. Hindi lamang nakikita ni Mario pero ang babaing nakaitim na nagbigay sa kanya ng titulo ng bahay at lupa ay nasa boundary ng sala at dining room.
Sa pagitan ng dilim at liwanag. Nag-aalalang nakatingin.
Bumubulong sa boses na galing sa kailaliman.
“Lumaban ka, laban. Ipakita mo sa kanila na malakas ka rin kahit nag-iisa. Dapat matakot sila sa iyo, dapat umalis sila sa pamamahay ko!”
Halos lahat na lakas ni Mario ay naitotodo na. Hindi rin naman siya madaling natinag ng mga aninong itim.
Lalo na kasama niya ang dalawang hayop na buong giting ding lumalaban sa puwersa. Pero naiitsa ng puwersa una ang pusa. Bumagsak ito sa salas, una ang likod. Umungol dahil sobrang nasaktan.
Napasigaw ang babaing nakaitim sa nakita. “Cassandra!”
Sumunod namang naiitsa sa may salas ay ang asong itim. Padapa. Umungol din dahil nasaktan.
Nababahala ring napasigaw na naman ang babaing nakaitim, naiiyak sa awa sa mga alaga.
“Andres!”
Si Mario na lamang ang nananatiling nakatayo, hindi pa maitapon ng puwersa. Halos lahat na mga ugat sa noo at leeg ay labas na sa pagsisikap na maitodo pa ang lakas.
May naaninag siyang switch ng ilaw sa dining, ang munting liwanag na nakarating sa dining ang dahilan kaya nakita niya ito. Ilang hakbang lang ang kailangan niyang gawin.- ITUTULOY