Aswang Territory (220)
KITANG-KITA ang kidlat sa kalangitan, pormang napakalaking krus. Nawawala man, lumilitaw uli. Paulit-ulit.
Ang nanghihinang si Armani ay nakatingin sa langit. “Diyos ko ... ibig bang sabihin nito ay direkta ka nang nakikialam sa labanang ito?”
Mahina na rin si Avia pero nagkaroon bigla ng panibagong lakas. At nakikita na rin niya ang krus sa langit na gawa ng mga kidlat.
Naluha ang mabuting aswang. “Pinapanigan N’yo kami ... tinutulungan N’yo kami!”
Nakatingin din si Simeon sa langit, nanlaki ang kanyang mga mata. Ngayon lang siya natakot buong buhay niya. Patuloy ang pagbuhos ng malakas na ulan. Patuloy pa rin ang pagkidlat ng pormang krus.
Hindi nagtagal at umuusok na ang mga masasamang lahi. Sa pangunguna ni Simeon. At napupuno ng sigawan ng sakit, ng hirap, ng pagtatapos ng buhay. Sa pangunguna rin ni Simeon.
Lahat na mga masasamang lahi ay umusok, umapoy, naging abo. Abong tinunaw din ng tubig-ulan.
Na mauunawaang naging benditadong tubig pala nang lumitaw ang mga krus na kidlat sa langit.
Ang mga mabubuting lahi ay sabay-sabay na nag-transform. Si Madam Helena. Ang mga magulang at mga kapatid ni Avia.
Sugatan pero buhay na buhay din si Father Albert. Ang mga magulang ni Armani at ang mga kabataang sumuporta ay mga nagasgasan pero malalakas pa rin naman.
Agad nilapitan at niyakap ni Armani si Avia. “Avia, tapos na ... panalo tayo sa laban ... ginawang benditadong tubig ng Diyos ang tubig-ulan.”
“Oo nga, Armani. Akala ko pa naman makakatulong kina Simeon ang ulan. Iyon pala, ginawa itong instrument ng iyong Diyos ... ng ating Diyos nga pala ... para panlaban sa mga masasamang lahi. Ang mga krus na kidlat sa kalangitan, iyon pala ang palatandaan na binibendisyunan ng Diyos ang tubig-ulan para ito na ang papatay at tutunaw kina Simeon.”
SA OSPITAL, ligtas na ligtas na si Draz. At nararamdaman niyang ayos na ang lahat. Sinabi niya sa sarili na hindi niya kayang agawin si Avia kay Armani. Ang dalawa ay para talaga sa isa’t isa.
Nagpapalakpakan ang mga mabubuting aswang na sa ngayon ay mga tao na ang itsura. Masayang-masaya sa kanilang tagumpay at sa pag-ibig nina Armani at Avia na hindi magwawakas sa lungkot kundi sa saya.- WAKAS
- Latest