Aswang Territory (217)
ANG mga magulang ni Armani at ang mga kabataang sumusuporta sa mga mabubuting lahi ay pagod na sa pakikipaglaban. Mauubusan na rin ng mga benditadong tubig. Nakikita nila na buong giting pa ring lumalaban ang mga mabubuting lahi sa mga masasamang lahi.
Pero napapansin nilang mas konti pala ang mga kalahi nina Avia, mas maraming mga masasamang lahi na dumating para tumulong kay Simeon.
Si Madam Helena at mga kapamilya ni Avia ay hindi nababawasan ang tapang at lakas. Mga matitibay sila dahil matagal na silang hindi kumakain ng karne ng tao kaya siguro ang kanilang mga katawan ay mas sanay na.
Samantalang karamihan naman sa mga mabubuting lahi ay kailan lamang bumibitiw sa mga karne ng mga taong masasama.
Dahilan kaya ang mga katawan nilang nag-a-adjust pa ay bumabagal at napapagod kaagad.
“Paano ba ito, asawa ko? Talo yata tayo sa laban.” Tanong ng ama ni Armani.
“Huwag kang panghinaan ng loob. Magdasal tayo. Hindi ba natiyak naman natin na ang dasal at pagpapakabuti ay nagkakapuntos sa Diyos?”
“Sana nga! Wala na tayong benditadong tubig! Ito ang ikakatalo natin!”
“Basta dasal lang, asawa ko! Lakasan pa natin!”
“Makikipagdasal na rin ho kami!” Sabi ng mga kabataan.
Kanina pa nagdadasal si Father Albert kahit sugatan at halos nakadapa na sa lupa. Umiiyak na siya sa tindi ng pananalangin niya.
“Tulungan n’yo po kaming nananalig sa inyo! Kami po ang mga sundalo ninyo dito sa lupa! Ang lalaban sa mga masasamang tulad nina Simeon! Hindi na namin kaya, kayo na lang po ang pag-asa!”
Si Simeon ay pilit nilalabanan ni Armani, huwag lamang itong makalapit kay Avia. Kokonti man ang lakas, pinatitibay naman siya ng pagmamahal at pagnanais na mailigtas ang pinakamamahal na aswang.
Biglang kumulog. Biglang kumidlat. Umitim kaagad ang kalangitan, bubuhos na ang napakalakas na ulan. Tumawa si Simeon, ang ulan ay lagi niyang iniisip na kakampi.
-TATLONG LABAS NA LANG
- Latest