Aswang Territory (213)

AATAKE na ang isang masamang lahi kay Father Albert habang ang matandang pari ay sa isang kalaban naman nakaharap.

Bago pa dumantay ang mga matutulis na kuko ng masamang lahi sa pari ay nahampas na ito ni Avia ng kanyang pakpak.

Nakilala ni Father Albert si Avia kahit pa nasa pagkataong aswang ito. “Avia! Sala­mat, iha!”

Ang isa pang masamang lahi ay kinagat ni Avia sa batok, sumirit ang berdeng dugo at nangisay.

Nag-concentrate na lang sa pagbuhos ng benditadong tubig si Father Albert sa natitirang isa.

Umusok ang katawan ng nabuhusan. Nangisay din.

“Father Albert, marami pa ba diyang benditadong tubig. Pahingi ako para dito sa baril ko!”

“Oo, Avia. Sige, mag-refill ka habang binabantayan kita.”

Dahil nga high tech, mabilis mag-refill ang baril ni Avia. Agad napuno ng benditadong tubig.

“Kaya na ho ba ninyo dito, Father Albert.”

 “Oo. Pero saan ka ba pupunta? Sasamahan na lang kita para makatulong ako.  Alam kong wala si Armani para makatulong sa ‘yo.”

“Wala nga po. Nagpapagaling pa silang dalawa ni Draz sa ospital. Okay po sa akin na sumama kayo kaysa nag-iisa kayo dito sa pakikipaglaban. Mapuprotektahan ko po kayo.”

“Saan na ngayon tayo?”

“Babalikan ko po si Simeon. Kailangan tala­gang masugpo ko na siya.”

Natigilan si Father Albert nang nalamang ang hari ng mga masasamang lahi ang haharapin ni Avia.

Pero alam niyang kailangan itong mangyari. Hindi matatapos ang digmaan hanggat hindi napatay si Simeon.

Nakabawi na sa pagkabigla ang pari, gumuhit ang tapang at determinasyon sa mukha. “Tayo na, Avia. Dadalhin ko itong kalahating balde pa ng benditadong tubig. Hindi ito mabigat, kaya ko.”

 “Opo, Father. Puwede ho bang … mag-pray muna tayo ng paghingi ng tulong sa … ating Diyos?”

Natigilan na naman ang pari, na-touch sa sinabi ng aswang.

“Oo naman, Avia. We can pray. Kahit saan. Dahil ang awa at tulong ng Diyos ay hindi namimili ng lugar.”- ITUTULOY

 

Show comments