Aswang Territory (211)
ANG malaking ospital at ang malawak na paligid nito ang naging lugar ng kaganapan ng labanan ng mga aswang.
Ang mga pasyente ay inililipat, pati mga kamag-anak ng mga ito.
May mga aswang na mababait, nagbabantay sa paglilipat ng mga pasyente sa malayong lugar, ligtas sa labanan.
Noong una, takot ang mga pasyente at mga kamag-anak sa mga lahi nina Avia.
Pero nakita nila ang pagliligtas ng mga ito sa mga tao, ang paglaban sa mga kalahi ni Simeon.
“Mga mababait na aswang pala ang mga putol ang katawan at lumilipad!” Obserbasyon ng isa.
“Oo nga! Pero akalain mo, sa mga kuwento at pelikula, ganyan ang tradisyonal na itsura ng mga aswang. At mga masasama sila. Kumakain din talaga ng mga tao, pumapatay.” Sagot naman ng isa pang kamag-anak ng pasyente.
May isang malakas-lakas na pasyente na binubuhat ng isang kalahi nina Avia. Hindi na takot ang pasyente sa mabuting lahi, nakipagkuwentuhan pa nga.
“Nasaan ang mga kaputol ng inyong katawan?”
“Iniwan lang namin sa aming mga bahay sa aming teritoryo.” Friendly na sagot ng kalahi ni Adea.
“At ano naman ang kinakain ninyo? Tao rin ba?”
“Huwag kang matakot. Karamihan sa amin hindi na kumakain ng kahit anong karne, lalo na tao. Mga vegetarians na kami. At carbohydrates tulad ng kanin, lugaw, hot cakes, cereals, oatmeal ...”
Natawa ang pasyente sa narinig. “Wow, ang dami! Ano naman ang protein sa inyong katawan?”
“Mahilig kami sa lahat na klase ng luto ng mga itlog.”
“Nakakatuwa naman!”
SA LOOB ng ospital, magkaharap na sina Simeon at Avia. Naggigirian.
“Nasaan na ang dalawang lalaking nababaliw sa ‘yo?”
“Huwag mo na silang hanapin. Ako lang, kaya na kita. Marami pa kaming benditadong tubig, Simeon! Kaya mabuti pa sumuko na kayo! Nag-aagnas na ang mga katawan ninyo sa benditadong tubig namin!”
“Pero buhay na buhay pa kami. Kaya huwag kang umasang kayo ang mananalo sa digmaang ito!” Ilang Labas Na Lang
- Latest