NAPALINGON sabay-sahay sina Avia nang maramdamang ang maraming pumanhik sa kisame.
Kahit medyo madilim, kita nilang hindi mga tao ang dumating.
Napasigaw si Avia. “Humanda kayo! Mga sakop sila ni Simeon! Ang dami nila!”
“Avia, ikaw na lang ang bumaril nang bumaril ng tubig kay Simeon hanggang sa mamatay siya. Kami na ang bahala sa mga aswang na ito!”
“Sige ho! Tiyakin n’yo lang na tamaan nang husto sa kanilang ulo at puso. Iyon ang mga kahinaan nila.”
Humarap nga ang mga magulang ni Armani pati mga kabataang sumusuporta sa mga bagong dating na aswang.
At pinasiritan ng holy water ang mga ito.
Ang iba ay tinamaan. Ang iba ay hindi.
Si Avia naman ay hinarap si Simeon at binaril ng holy water. Pero maliksi ito, mabilis umilag.
Nag-transform si Avia. Naging aswang na lumilipad. Bitbit pa rin ang liquid gun ni Draz.
Hinabol niya si Simeon na kahit nasa kisame ay mabilis gumapang.
Natapatan ni Avia si Simeon at muling itinutok ang holy water dito.
Pero may mga sakop na si Simeon na nakarating sa kanyang kinaroroonan.
At dinumog siya. Lumaban si Avia. Nakabaril pa siya ng ilang masasamang lahi.
Pero may mga lumapit pa na mga masasamang lahi. Hanggang siya ay nasukol na.
“Gutay-gutayin n’yo siya!” Sigaw ni Simeon.
Wawarakin na sana ng mga masasamang lahi si Avia nang bigla na lamang nasira ang mga kisame at naglaglagan sila.
May mga wumawarak sa mga kisame, ang mga kalahi ni Avia. Isang giyera na nga ng mga aswang ang nagaganap.
Nakarating na sa ospital ground floor ang labanan. Wala nang mga pasyente at mga hospital personnel dahil nailigpit na sila. Malayo sa panganib at damay.
Sa labas ng ospital, walang makalapit. Dahil alam na madugo ang labanan sa loob. - ITUTULOY