TAKOT nang basta bumalik ang mga nurses sa ICU kung saan naroroon si Simeon.
Tumawag muna sila ng mga guwardiya.
“Iyung iniligtas naming pasyente siya ang aswang na pumatay na nang marami! Nakakatakot pumunta doon! Malakas na siya!”
“Oo nga! Baka kung ano ang mangyari sa amin!”
“Pupuntahan namin ‘yon. Pero siguro dapat tawagin pa namin ang iba naming kasamahan. Mahirap na. Teka, sasabihin muna namin ito kay Chief Guard.”
Ginawa ng mga guwardiya ang sinabi.
Hindi nagtagal at mga pitong security guards na ang hawak ang mga baril na pumunta sa ICU.
Pagbukas nila, una nilang nakita ay ang hospital bed ni Simeon na wala nang laman.
“Wala na siya, Dok!”
“Hindi ordinaryong pasyente ang makakagawa nito!”
Biglang sumigaw ang isa pang nurse.
“EEEEEEEE!”
At nakita nila kung bakit.
“Diyos ko!” Napasigaw din ang doktor.
“Mabubuhay pa sana siya, gumagaling siya!” Halos mapaiyak ang doktor sa pagkabigla.
Ang pasyenteng tinitingnan nila ay warak ang leeg at ukang-uka ang dibdib at tiyan.
Si Simeon ang may kagagawan.
“Ipaalam agad ito sa pulisya! At kailangang pag-ingatan ang mga pasyente. At ingatan ang lahat! Maaring naririto pa ang aswang at marami pang mabibiktima!”
“Pero Dok, ganoon na siya kalakas?”
“Hindi siya tao! Aswang nga, e! Kaya lahat ay nanganganib! Kung alam lang natin, hindi na sana natin siya binuhay.”
DUMATING ang mga pulis at sundalo. Marami. Ganoon katakot ang lahat kay Simeon.
Pero ang mga pasyente at mga tao sa ospital ay hindi pa rin nakakasiguro ng kanilang kaligtasan.
- ITUTULOY