Huli sa Akto ang Kaliweteng Mister

Dear Vanezza,

Tawagin niyo na lang po akong Mrs. Im­bestigador. Ito ang bansag sa akin ng mister ko dahil palagi ko siyang nabubuking sa kanyang pambababae. Mayroon po kaming dalawang anak at parehong may trabaho. Meron din kaming maliit na grocery. Pero nabisto ko na ang kinuha niyang tindera ay babae pala niya. Pinangakuan pala niya ‘yung babae na magsasama sila kapag naghiwalay na kami. Pinalayas ko ‘yung babae at hinamon ko nang hiwalayan ang asawa ko. Dahil napahiya si Mr. Kaliwete umalis siya sa bahay namin at umuwi sa magulang niya. Kahit anong pakiusap ng pamilya niya, hindi ko na siya ulit tinanggap. Nitong nakaraang Pasko at New Year ay tinikis ko siya. Ayaw ko siyang makita. Parang ayaw ko na pong pakisamahan ang asawa ko. Nawala na ang respeto ko sa kanya. Malungkot naman ang aking mga anak at panay ang tanong nila sa daddy nila. Ano po ba ang dapat kong gawin?

Dear Mrs. Imbestigador,

Talagang mahirap timbangin ang pagmamahal sa anak at asawa gayundin ang respeto sa sarli. Kung talagang wala ka nang amor sa mister mo, puwede kang magharap ng kaso sa korte para magkaroon kayo ng legal na paghihiwalay. Pero marami itong consequences. Unang-una maaapektuhan ang mga anak mo at magkakaroon ng sigalot sa inyong mga pamilya. Pabayaan mo munang magtanda ang iyong asawa. Baka naman puwede pa siyang magbago. Kung sa palagay mo ay hindi na puwedeng maisalba ang inyong pagsasama saka ka magdesisyon. 

Sumasaiyo,

Vanezza

 

 

Show comments