Aswang Territory 37

MASAYANG niyaya ni Father Albert sina Avia at Armani.

“Mga anak, maghahapunan na tayo. Nakahain na si Teban.”

Si Teban ang all-around na kasama-katulong ng pari sa kanyang simpleng bahay.

“Sana magustuhan ninyo ang mga niluto ko. Pampalusog.” Sabi naman ni Teban.

Ang edad nito ay humigit-kumulang singkuwenta pero malakas pa.

Umupo na ang tatlo sa mahabang hapag-kainan.

Magli-lead muna sa pagdadasal si Father Albert ng pasasalamat. “Panginoon, maraming salamat po sa mga biyayang galing sa Iyong lupa at karagatan. Ang mga isda po at mga sangkap nito, ang kanin, ang mga gulay. Amin pong tiniyak na ang pinagkunan namin ng mga pagkain na ito ay mga butil po ng kabutihan. Walang paghihimagsik at danak na dugong naganap. Salamat po, Ama at Anak na Diyos.”

Kahit mataimtim ang dasal, hindi maiwasan ni Armani ang sumulyap kay 
Avia.

Nag-aalala kasi siya. Na baka habang nagdadasal sa Diyos ng mga tao si Father Albert ay may masama namang nangyayari kay Avia.

O kaya ay takot ba ito o galit.

Pero ang nakita naman niya ay wala sa kanyang mga kinatatakutan. Payapa ang magandang mukha ni Avia, hindi man ito nakikidasal ay magalang namang nakikinig.

Kaya nakahinga nang maluwag si Armani. Nga­yon niya nalaman na hindi nga kaaway ng kabutihan ang kanyang asawa.

O maaring pati mga kapamilya nito.

“Tapos na tayong magdasal. Kumain na tayo.” Yaya na naman ng buti­hing pari.

Palihim na namang pinagmamasdan ni Armani ang nobya. Makikita ba sa mukha nito ang pagtanggi sa mga pagkain? Dahil ang mga ito ay hindi galing sa mga laman at lamang-loob ng tao?

At baka nga hindi pa talaga magawang kainin ni Avia ang mga pagkaing nakahain sa mesa ng pari.

Pero sa laking pagtataka ni Armani ay normal namang kumakain si Avia. Kumuha ng isda. Gulay. Kanin.

“Salamat at nakikita kong nagugustuhan ninyo ang mga simple naming ulam.” Kay Avia nakatingin si Father Albert. - ITUTULOY

 

Show comments