Grabe na ‘to! Isang 19-year-old na binata sa Manchester, England ang napilitiang magpalit ng pangalan para lang hindi magbayad ng malaki at makasakay ng eroplano. Ito’y ayon sa mga naglabasang balita noong nakaraang taon.
Nagsimula ang kakatwang pangyayaring ito nang mag-book ng flight papuntang Ibiza ang stepfather ng girlfriend ni Adam Armstrong gamit ang Facebook name ng binata. Ang pangalan niya sa nasabing social media platform ay Adam “West” sa pagbibigay-pugay niya sa Batman TV actor. Nang madiskubre ni Adam na may mali sa kanyang pangalan sa ticket, sinabihan siya ng Ryanair (kilalang nananaga sa extra fees), na aabutin ng $336 (higit P16,000) ang pagpapalit ng pangalan niya.
Pero imbes na magbayad siya sa nasabing airline ay mas pinili pa niyang magpalit na lang ng pangalan for free at magbayad ng $158 (higit P7,000) para sa bagong pasaporte, ayon sa report na lumabas sa Guardian.
“Yeah, I’m not giving Ryanair a penny,” sabi ni Adam sa isang Irish radio show. Pero hindi pabor ang ama ng binata sa ginawa niyang ito. Ngunit, “I’m going to change it back in seven years (when the passport expires),” pagtatapos ni Adam.