“ARMANI, may ginawa ba sila sa iyong masama? Sabihin mo sa akin. Huwag kang matakot. Kahit ate at kuya ko sila, kaya ko silang awayin kapag hindi maganda ang ginawa nila.”
“Avia, inilipad lang nila ako nang ubod bilis paitaas. Halos nga marating na namin ang buwan, e. Ang galing pala ninyong lumipad. Parang rocket ship!”
“Pagdating ninyo sa itaas, ano ang ginawa nila?”
“Uhm, inilaglag nila ako, ang bilis din ng pababa pero ... sinalo naman nila ako bago ako bumagsak sa lupa.”
Galit na binalingan ni Avia ang mga kapatid. “Kuya, Ate ... ginawa ninyo ‘yon sa nobyo ko? Paano kung hindi ninyo siya nasalo? Eh, hindi pa nga kami kasal patay na siya?”
Ang kuya ang pormal na sumagot. “Sabi nga namin kay Armani, gusto lang namin siyang matuto ng katapangan. Wala naman kaming balak na saktan siya.”
“Totoo ‘yan, Avia. Hindi tatapang ang nobyo mo kung hindi siya makakaranas ng death defying experience.”
“Sobra naman kayo. Ordinaryong tao lang ang boyfriend ko. Wala siyang kakayahan sa mga ganyang experience. Huwag n’yo nang ulitin ‘yon! Kung may nangyari sa kanya siguradong hindi ko kayo mapapatawad!”
“Hey, Avia ... relax. Madalas naman tayong maglaro ng hulugan sa ere mula pagkabata hanggang ngayon, a. Hindi naman siguro masama kung makikipaglaro rin kami nang hulugan sa ere with your boyfriend. Buboto na sana ako sa kanya, papayag nang magpakasal kayo pero kakainis ang pagpuna mo sa amin.”
“Pero buhay niya ang ipinakikipagsapalaran ninyo. Bukod sa ikababaliw ko kapag namatay siya, paano na lang ang kanyang pamilya kung hindi na siya makabalik sa Maynila?”
“May pamilya pala siya?” Nakaismid ang ateng napagsabihan.
“Of course. Matino ang kanyang pamilya. At mahal na mahal nila si Armani. Kaya ang gusto ko, mag-iingat na kayo ng pagtrato sa kanya. Hindi siya isang tao na walang kuwenta. Nagalit lang kayo dahil hindi ako nag-hunt ng food ko, pinaglaruan na ninyo ang mahal ko. Halika na nga doon, Armani.” Hinatak na ni Avia ang nobyo palayo.
Pinandilatan ng mga magulang ang ate at kuya ni Avia na naglaro kay Armani.
“Tama naman ang kapatid ninyo, e. Totoo ngang iyang si Armani ay hindi perfect guy kay Avia pero kailangang igalang pa rin natin ang dikta ng kanyang puso.”