Dear Vanezza,
Ako po si Ms. G, may isang anak. Nabuntis po ako ng kasamahan ko sa work at noon gusto niyang ipalaglag ang bata pero hindi ako pumayag. Ngayon malaki na ‘yung bata. Gusto niyang hiramin pero natatakot ako baka hindi na maibalik ang anak ko. Sa sustento pa lang hirap na siya magbigay. Wala rin siyang sariling desisyon sa buhay. Payuhan n’yo ako.
Dear Ms. G,
Sumangguni ka sa isang abogado upang maipaliwanag sa ‘yo ang mga batas na sumasakop sa iyong problema gaya ng sustento at kustodiya ng bata. Pero kung may matatag ka namang trabaho at sa palagay mo ay kaya mong buhayin ang iyong anak, mas mabuti ito para hindi ka na umaasa pa sa kanya. Maraming single mother ang nagsisikap na mag-isang itaguyod ang kanilang anak ng hindi dumidepende sa tulong ng ex o ng iba. Pero nariyan naman ang iyong pamilya na makakaagapay mo sa pagpapalaki sa bata. Ang iyong anak na lang muna ang iyong pagtuunan ng pansin. Sikapin mong mabigyan siya ng magandang bukas. Gawin mo siyang inspirasyon upang makaya ang mga pagsubok na dumarating sa iyong buhay.
Sumasaiyo,
Vanezza