PATAAS nang pataas ang paglipad ng mga aswang na kuya at ate ni Avia. Kaybilis nag-transform ng mga ito. Mula tao bago pa nadagit paitaas si Armani ay mga aswang na. Hindi nakapiyok si Armani.
Tumingin siya sa ibaba, mga ilaw at mga yero ng bahay na lamang ang naaaninag niya. Tumingin siya sa itaas, tingin niya ay malapit na siya sa bilog na bilog na buwan. Nagdasal siya, malakas.
Our Father who is in heaven Holy is your name Your kingdom come Your will be done on earth as it is in heaven.
Give us this day our daily bread and forgive us our sins as we forgive those who sinned against us and lead us not into temptation and delivered us from evil. Amen.
“Nagdasal ka ba dahil akala mo takot kami sa dasal?” Pormal na tanong sa kanya ng kuyang aswang.
Hindi kaagad nakasagot si Armani dahil nagulat siya nang may dumaan na mukhang bruhang nakasakay sa walis.
“Oh, my God! Ano ‘yon?”
“A witch! Hindi ka pa nakakita nang ganoon sa sine?”
“Nakakita pero ... totoo pala ‘yon?”
“Oo naman. Maraming nilalang sa madilim na gabi, Armani. Hindi lang kami. Lahat ay may karapatang mabuhay.”
“Mga nilalang din ba sila ng Diyos o mga nilalang ni Satanas?”
“May mga witches na sa Diyos sumasamba, mababait. May mga witches na kay Satanas nagpapaalipin, mga masasama. May mga aswang na ang dinadasalan ay ang Diyos din ninyo. May mga aswang din na kabaligtaran.”
“At ... at kayo?”
“Sa palagay mo, bakit namin natagalan ang pagdadasal mo? Hindi kami nasaktan, nabingi o kahit napaano ... mag-isip ka!”
Nakahinga nang maluwag si Armani. Natuwa.
“Kung ganoon, pareho tayo ng sinasambang Diyos.”
“Pero inis pa rin kami sa ‘yo dahil nagutom ang aming kapatid sa kaartehan mo. Hmp.” Nakasimangot bigla ang ateng aswang ni Avia.
“At dahil nga duwag ka ... ito ... tinuturuan ka namin maging matapang.” At bigla na lang siyang binitiwan ng dalawang aswang, bumulusok pababa si Armani. Umurong ang dila niya sa takot. - ITUTULOY