HINDI na kaya ni Armani ang eksenang ito. Hinimatay. Dumilim ang lahat.
Napailing tuloy ang maid. “Sabi na, e.”
“Ano’ng nangyari?” Dumating si Avia.
“Miss Avia, nakita niya ang hindi dapat makita. Kaya hayan, hinimatay.”
Agad dinaluhan ni Avia ang nobyo. “Armani! Utang na loob, huwag kang ganyan. Baka magkaroon ka pa ng sakit sa puso.”
Dumating din ang mga kuya ni Avia.
“Bakit siya nakarating dito?”
“Kuya, bakit ba nandidiyan ‘yan?”
“Bakit wala? Para namang nakalimutan mo nang paano tayo kumain. May masamang tao na dapat lang patayin at gawin nating ulam.” Inis na sagot ng kuya ni Avia.
“Kuya, may bisita tayo na hindi aswang, tapos nakita niya ang pinatay na kakainin natin.”
“Kung mahal ka niya, walang problema.”
“Mahal na mahal niya ako kaya nga kahit ano pa ang nararanasan niya dito, hindi siya sumusuko.”
“Tulungan ninyo ako para matauhan siya.”
“Ako’ng bahala …” Sabi ng isang kuya.
At lumapit ito kay Armani at inilabas ang mga pangil sa bibig. Saka akala mo ay kakagatin sa dibdib.
Pero hindi naman, pinahalik lang ang mga pangil sa leeg ni Armani.
Agad napabangon si Armani. “Ano ‘yon? Bakit parang may kung anong dumikit sa akin?”
Hindi na niya nakita ang mga pangil ng kuya ni Avia. Nakasara na ang bibig nito, parang walang nangyari.
“Ginamot lang kita. Hinawakan ka lang ng hintuturo ko. Kaya ka binalikan ng malay..”
“S-salamat …” Nakahinga nang maluwag si Armani.
“Halika, Armani. Kakain na tayo.”
“Busog pa ako, e.”
“Hindi. Halos maghapon na tayong hindi kumakain.”
“Pero … m-may nakita ako kanina, e. P-patay … warak ang dibdib … iyon ba ang kakainin natin?”
Hindi makasagot si Avia. Itutuloy