Malimit mapag-usapan ang tamang paglilinis ng mga pribadong bahagi ng ating katawan. Isa na rito ang pinaka-importanteng parte ng katawan nating mga kababaihan, ang ating vagina.
Buti na lang ang ating vagina ay parang isang self cleaning “machine”, ibig sabihin ay kusa nitong nililinis ang kanyang sarili.
Ang pinakamagandang klase raw ng paglilinis nito ay ang paggamit lamang ng tubig. Pwede ring gumamit ng mild soap at hangga’t maaari, ‘wag gagamit ng mga produktong may matapang na pabango. Pwede kasing mairita ang ating vagina sa matapang na amoy ng sabon o feminine wash.
At panghuli, iwasan ang paggamit ng bathtub, mas mainam pa rin kung tabo at balde o shower ang gagamitin pangligo dahil maaring pumasok sa ating mga vagina ang mga duming naalis sa ating katawan ‘pag tayo ay nakalubog sa bathtub.
Tamang pagpupunas - Palaging mag-umpisa sa harap papuntang likod. Maaari kasing mapunta sa ating vagina ang dumi mula sa ating pwerta kapag nagsimulang magpunas mula sa likuran.
Tamang pag-aahit - Isang kasabihan na hindi dapat paniwalaan: Hindi totoong kakapal ang buhok ‘pag ikaw ay nag-ahit.
Dapat lang matutunan ang tamang direksyon sa pag-aahit, mag-shave ng kagaya sa direksyon ng buhok para maiwasang magkasugat ang ating mga vagina. Pwede ring gumamit ng mga cream o lubricant. Iwasan ang pag-share ng pang-shave dahil personal na gamit iyon at maaari nito maipasa ang “kahit na ano”.