Ang Puno ay Parang Buhay

Noong bata pa ako pagkatamis-tamis ng indian mango sa likod bahay namin sa probinsiya sa Cavite. Kahit payatot  ang  puno ay kumpul-kumpol naman ito kung mamunga.

Minsan  ay nakita ko si Lolo na pinagtataga ang katawan ng punong mangga sa likod bahay. Nagtataka ko dahil halos umiyak na ang punong mangga sa rami ng dagta na lumabas sa tuwid na patpating  punong-kahoy dahil sa pagkaitak dito.

Hindi na ako nakatiis na tinanong si Lolo na halos tumanda na sa pagsasaka sa bukid, kung bakit niya tinataga ang puno. Simpleng sagot lang ni Lolo na para raw dumami ang sanga at bumunga.

Pagkaraan ng ilang araw sa pagdidilig ko sa puno ay nakita kong natuyo na sugat sa bawat biyak ng itak sa puno na tinaga ni Lolo. Ilang buwan pa ang lumipas ay nakita ko nang tinutubuan na ng mga bagong sanga ang mangga.

Ngayon, tuwing buwan ng Abril at Disyembre ay binabalikan naming magkakapatid ang puno sa rami ng bunga na walang kupas sa tamis ang mangga at halos hindi ko na mayakap sa laki at taas ng puno.

Habang takam na takam akong kinakagat sa taas ng bubong ng bahay ang mangga, biglang simambit ni Lolo na ang buhay ng tao ay parang puno. Kailangan tagain at sugatan ng itak para lalong lumago at bumunga.  Hindi na ako kumontra dahil sarap na sarap na ako sa matatamis na bunga ng mangga.

Katulad ng buhay ay dumaraan din sa masaklap at madugong problema ang tao. Pero pagkatapos ng pagsubok at unos ng buhay ay lalong natututo at tumitibay na inaani rin ang matamis na tagumpay.

Show comments