Dear Vanezza,
May 12 taon na kaming nagsasama ng aking asawa. May isa kaming anak. Nagsasama kami sa iisang bubong ng mister ko pero magkahiwalay kami ng kuwarto. One year na ngayon mula ng manlamig ang aking asawa. Nito lang December ay nagtapat siya sa akin na nakagawa raw siya ng malaking pagkakasala at hindi niya mapatawad ang kanyang sarili. Nagkaroon daw siya ng relasyon sa isang bakla. Nandidiri raw siya sa kanyang sarili kaya ayaw na niyang tumabi sa akin. Umiyak siya nang magtapat sa akin. Minsan lang daw nangyari sa kanya iyon pero ang epekto sa kanya ay parang panghabambuhay. Humingi siya ng tawad sa akin. Hindi ko alam kung magagalit ako o patatawarin ko siya. Naguguluhan ako ngayon. Ano ang gagawin ko? - Anna
Dear Anna,
Dapat hangaan ang taong marunong tumanggap ng pagkakamali kaysa nagtatago ng kasalanan. Patawarin mo siya at bigyan ng isa pang pagkakataon. Ang lahat ng tao ay nagkakasala at sabi nga, kung marunong magpatawad ang Diyos, dapat nagpapatawad din tayong mga nilalang lamang niya. Give him another chance at baka masira ang ulo niya sa kaiisip ng kanyang problema. Payuhan mo rin siyang patawarin ang sarili para maalis na ang nakadagang pasanin sa kanyang dibdib.
Sumasaiyo,
Vanezza