PARANG gusto nang tumakbo ni Armani. Tingin niya kasi ay pagtutulungan na siyang gutayin ng mga kapamilya ni Avia.
Na-imagine na niyang sinakmal siya at winarak ang dibdib. Ang isang kuya ni Avia ay agad dinukot ang kanyang puso.
At hinati. Pinaghatian ng dalawang kuya ni Avia ang kanyang puso at maganang kinain.
Ang ate naman ni Avia ay binuksan ang kanyang tiyan. Ang dumukot sa kanyang atay ay ang ama ni Avia.
Pinaghati-hati ito. Ang kumain ay ang Papa, Mama at dalawang ate ng kanyang nobya.
Hindi pa tapos, may gusto pang makuha ang mga kapamilya ni Avia sa loob ng kanyang katawan na bukas na bukas na. Ang kanyang mga bituka naman. Malaki at maliit.
Hinugot, kinain ng lahat.
Ang lakas ng sigaw ni Armani. “AAAAAHHHHHH!”
Pinagtampal-tampal tuloy siya ng ama ni Avia. Niyuyugyog naman siya ni Avia. Samantalang takang nakatingin sa kanya ang lahat, hindi maintindihan kung bakit siya ay sumigaw nang sumigaw.
“Armani! Hoy! Nananaginip ka ba nang gising? Ano’ng nangyayari sa ‘yo? Bakit ka sumigaw nang sumigaw?” Kabadong nagtanong si Avia.
“A-Avia? H-hindi ninyo ako ginalaw? Kinain?”
Napasimangot ang mga kaanak ni Avia. Si Avia, halatang sumama ang loob.
“Hindi. Tingnan mo nga ang katawan mo, buung-buo. Wala kahit gasgas! Ang duwag mo yata. Kung anu-ano ang nai-imagine mo dahil sa takot.”
Inusyoso ngang mabuti ni Armani ang mga bahagi ng katawan na akala niya ay nawarak na. Pero tama si Avia, wala siya kahit kurot man lang sa kanyang katawan.
“Avia, sigurado kang pumili ka ng lalaking tanggap na tanggap ang ating lahi?” Pormal na tanong ng ama ni Avia.- ITUTULOY