Tiwala, kailangan pag-ingatan sa bansang New Zealand
Isa sa mga napakagandang bansa ang New Zealand. Marami ang sariwang luntian at napakaganda pa ng kanilang kapaligiran. Sariwa ang hangin dito at malapit sa nature, wika nga. Pinapangarap ito ng mga tao hindi lang para pasyalan, kundi para tirhan na rin.
Ang New Zealanders o kilala rin sa tawag na Kiwis (mula sa salitang kiwi, ibong hindi nakakalipad) ay masasabing “reserved” lalo na sa mga taong hindi nila kakilala. Pero oras na makadebelop na sila ng isang personal relationship, dun pa lang malalaman na palakaibigan ding tao ang mga Kiwi.
Pero iwasan ang pagiging sobrang palakaibigan. Humanap ng tamang panahon kung kailan maituturing na kaibigan ang isang Kiwi. Baka kasi maakusahan kang “feeling close”. Marami pa naman sa ating mga Pinoy ang masyadong “feeling close” dahil nga sa likas na sa atin ang makipagkaibigan.
Mataas ang respeto ng mga Kiwi sa taong honest, direct to the point, at may sense of humor. Hindi man sila mabilis magtiwala, eh lubos naman kung makukuha mo ito. Kaya huwag na huwag kang gagawa ng anumang ikasisira ng tiwala nila sa iyo.
Sakaling masira ang tiwala ng isang New Zealander, mahihirapan ka nang makuhang muli ito. Lalo na kung sa business mangyari ang pagkawasak ng tiwala. Malamang na maapektuhan ang kung anumang usapan o kaya’y mauwi talaga sa wala ang isang business. Talagang mahihirapan nang maibalik ang tiwala oras na ito’y masira.
- Latest