NAKITA nina Miley at Lorenz na lumayo na ang helicopter. Kahit pa nakatanggap sila ng message mula sa piloto, nakaramdam na naman ng takot ang dalawa.
“Lorenz, pagsubok lang ito. Itong takot natin na baka hindi tayo mababalikan is just a natural fear. Dahil tao lang tayo. Hindi tayo saint na mas malaki ang tiwala sa Diyos.”
Tumingin sa ulap si Lorenz. “Miley, tingnan mo, dumidilim, ang bigat-bigat ng ulap. Hindi kaya babagyo? Hindi lang natin alam dahil wala naman tayong communication dito?”
“Natural lang naman ang bagyo, Lorenz. Basta kumapit lang tayo dito sa balsa natin. At a ng mga kasamahan natin, sigurado namang kakapit doon sa dulo ng talampas na kinaroroonan nila.”
“Paano kung ... kung dahil sa sama ng panahon, mag-crash ang helicopter? Paano pa masasabi ng mga tao sa loob na may mga dapat iligtas dito?”
Pinandilatan ni Miley si Lorenz. “Para ka namang biglang naging si Blizzard, e.”
“Si Blizzard!” Sigaw ni Lorenz.
“Ha? Bakit ka sumigaw? Para sinabi ko lang na para kang si Blizzard ...”
“Kasi, Miley ... hayan si Blizzard, o. Papunta dito. Sumasagwan ng mga kamay. Nakasakay din siya pero sa mas maliit na kahoy!”
Paglingon ni Miley, nakita nga niya ang nobyo. “Oh, Lord! Blizzard!”
“Miley, sorry! Ayoko na kay Reyna Coreana kahit pa kahawig mo siya! Gusto ko nang maging mabait uli! Kaya please, isama n’yo naman ako diyan!”
“Oo, Blizzard! Maluwag itong sinasakyan namin. Pwede ka dito. Maliligtas na tayo tulad nang matagal mo nang gustong mangyari!”
Tinulungan nila si Blizzard na makalipat sa kanilang sinasakyan.
Niyakap agad ni Miley ang nobyo.
“Thank God at buhay ka, Blizzard.”
Tahimik lang si Lorenz pero halatang natuwa na nakaligtas si Blizzard.
Pormal ang mukhang lumapit si Blizzard kay Lorenz. Napaurong si Lorenz pero handang ipagtanggol ang sarili sa kung ano mang balak ni Blizzard.
“Blizzard, huwag ...” Sigaw ni Miley.
Pero kinamayan lang pala ni Blizzard si Lorenz. “Bro, sorry sa lahat, ha? At salamat dahil hindi mo ipinagdadamot ang kaligtasan ko. I just want to be with Miley para lang mapalagay ako.” Tatapusin