Ang pagbati sa bansang Ethiopia ay pormal kumpara sa ibang mga bansa sa Africa. Ang kadalasang uri ng kanilang pagbait ay ang pakikipagkamay habang nakikipag-eye contact. Ang handshake rito ay mas “magaang” kumpara sa Western cultures. Sa mga bansang may impluwensiya kasi ng Western culture, may bigat ang kanilang pakikipagkamay.
Kung matatalik nang magkakaibigan ang nagbabatian, tatlong beses nagbebeso-beso ang mga ito.
Ang lalaki naman ang dapat maghintay kung makikipagkamay sa kanya ang isang babae. Kung hindi, ‘wag dapat niya itong pilitin. Isang uri ng pambabastos kung ipipilit ng lalaki na makipagkamay sa babae.
Hindi rin dapat minamadali ang pakikipagbatian. Dapat ay makipagkumustahan at itanong ang tungkol sa pamilya, trabaho o kaya’y kalusugan. Sa ganitong paraan, mas maa-appreciate ng taong kausap ang inyong tsikahan.
Ang “Ato”, “Woizero”, at “Woizrity” ang kadalasang tawag sa isang lalaki, babaeng may asawa, at babaeng dalaga.
Una dapat na binabati sa bansang ito ang mga matatanda. Kapag ipinakilala ka naman sa mas matanda, dapat ugaliing mag-bow. Kadalasang makikitang nagba-bow ang mga kabataan sa bansang ito.