SA isiping sila lamang ni Lorenz at mga iba’t ibang ibon ang nakaligtas, lumung-lumo sina Miley at Lorenz.
“Paano na sila, Lorenz? Nakakaawa naman. Pati nga si Blizzard, ang sakit-sakit isiping hindi ko siya nailigtas. Alam mo bang sanay si Blizzard na naililigtas ko? Umaasa sa akin ‘yon, e. At ako naman, tanggap ko na ‘yon.”
“M-Miley … tingnan mo, o.”
Tumingin sa dagat si Miley. “Saan? Wala naman akong makita.”
“Hindi diyan sa dagat, Miley. Tingnan mo doon sa mataas na bahagi ng talampas.”
Tumingin nga si Miley. “T-tama baa ng nakikita ko? M-mga taong nakatayo, nakakapit!”
“At kumakaway na sa atin! Miley, ganito kalayo, kilalang-kilala ko na sila! Sila ang mga kasamahan natin!”
“My God! Lorenz, sila nga! Ang dami nila! Baka lahat sila nakaligtas. Nakatakbo pala sila diyan sa mga matataas na bahagi ng lupa!”
“At mabubuhay sila tiyak diyan, Miley! Mawawala rin naman ang tubig na ‘to!”
ANG mga pilotong nasa light plane ay nabigla sa nakita nila sa tubig.
“Mga tao, o! Mga taong nasa mataas na bahagi, mga nakakapit!”
“At tingnan mo, meron pang dalawang nakasakay naman sa malapad na kahoy!”
“Bakit sabi nila, sa layo ng islang ito sa kabihasnan, uninhabited ito. Kaya nga walang pinadalang rescue operation matapos lindulin. Dahil akala nga walang tao.”
“Puwes, mali sila. Dahil may mga tao pala! At buhay na buhay kahit pa nagka-tsunami rito! Lumapit pa tayo!”
HINDI naman makapaniwala sina Lorenz at Miley nang pagtingin sa itaas ay nakakita sila ng maliit na eroplano.
“My God, Miley! Eroplanong palapit sa atin! Nakikita na yata tayo ng mga sakay diyan!”
“Oo nga, Lorenz! Akalain mo, kung kailan tayo na-tsunami saka naman may nakakita sa atin? Maililigtas na kaya tayo? Ito na nga kaya talaga ang pag-asa natin?”
“I’m sure, Miley! Ano pa nga ba?”
At sabay nagpatalon-talon at kumaway-kaway sa light plane sina Miley at Lorenz. Itutuloy