Dear Vanezza,
I’m 19 years old, college student. May naging gf ako sa school. Dalawang linggo na kaming mag-on. Nitong bago magbakasyon habang nagmemeryenda kami sa school canteen ng gf ko ay may lumapit na lalaki sa amin. Nagpakilala siyang bf ng gf ko at sa harap ko at sa harap ng maraming tao ay sinampal niya ang gf ko.Tumayo ako at sinuntok ko yung lalaki. Pero laking gulat ko nang humarang sa harap ko ang aking gf at parang ang lalaki pang iyon ang kanyang idinepensa. Umiiyak ang gf ko na inilayo ang lalaki at nakita kong lumabas sila ng school at nag-abang ng taxi. Masakit na masakit ang loob ko sa nangyari. Kinabukasan ay nag-usap kami ng gf ko. Humingi siya ng tawad at nakipag-break sa akin. Sabi niya, nagkatampuhan lang sila ng totoo niyang bf kaya ako sinagot. Hindi ko na pinakinggan pa ang kanyang paliwanag at iniwan ko siya. Ang laking kahihiyan ang nararamdaman ko ngayon at ayaw ko nang pumasok. Alam ng mga kaklase ko ang nangyari at hiyang-hiya ako. Panakip-butas lang pala ako. - Glen
Dear Glen,
Wala kang dapat ikahiya. Nagmahal ka lang at nagtiwala sa babaeng gf na pala ng iba. Dahil lang sa masaklap na karanasang iyan ay hindi mo dapat sirain ang kinabukasan mo. Pumasok ka at atupagin mo ang pag-aaral sa halip ang problema sa puso. Mas mahalaga sa buhay ng tao ang edukasyon dahil diyan nakasalalay ang magandang future. Marami ka pang mami-meet na higit sa kanya.
Sumasaiyo,
Vanezza