Kaliwa’t kanan ang mga handaan ngayong Kapaskuhan. Kaya naman hindi nauubusan ng tao ang ating mga kusina.
Isa sa mga problema sa sangkalan na kahoy ang pagsipsip nito ng amoy mula sa bawang. Nakaaapekto ito hindi lang sa amoy ng iba pang hihiwain sa sangakalan kundi maging sa inyong mga kamay.
Kung ang butcher block n’yo sa kusina ay nangangamoy bawang na, may madaling paraan sa paglinis at pagtanggal ng mabahong amoy nito.
Para sa pag-sanitize, hugasan lang ang sangkalan na kahot sa pinaghalong 1 kutsaritang bleach at 1 quart ng tubig. Para naman maalis ang amoy nito, buhusan lang ng sea salt at i-scrub ito gamit ang hiniwang lemon. Ang asin at lemon ang nagsisilbing deodorizer. Banlawan ng maligamgam na tubig para maalis ang asin at sobrang acid sa lemon. Ulitin lang ito kung may natitira pang amoy.
Sa pamamagitan nito, hindi na mahahawa sa amoy ang ibang pagkaing hihiwain sa sangkalan at makasisiguro pa kayong wala nang bacteria na kakapit sa inyong pagkain.
Ito po ang inyong Kumpunerong Kuya na nagsasabing, kung gusto ay maraming paraan!