SINUBUKAN ni Reyna Coreana na pigilin ang tsunami, itinapat ang dalawang kamay sa mga bundok ng alon.
“Kaya mo ‘yan, Reyna Coreana!”
“Kaya ko ‘to! Oo, kaya ko ‘to! Makapangyarihan ang panginoon kooo!”
Mararamdaman nga ang mga puwersa mula sa mga kamay ni Reyna Coreana/Reyna Miley.
Ang mga bundok ng alon ay bumababa, lumiliit. Parang papantay na lang uli sa tubig ng dagat.
Pero yumanig ang buong isla.
“Lindol! Sa isla na lumilindol!”
Pati ang dagat ay nauga rin, ang mga bundok ng alon ay lumaki uli.
Napatanga si Reyna Coreana. “Hindi ko kaya! Lalong lumaki ang mga alon! At bakit gano’n, lumilindol na naman!”
Ginigising ni Lorenz si Miley. “Miley, gising! Utang na loob! Hindi ko alam kung ang lindol at tsunami ay kakampi ba o kalaban ni Reyna Coreana! Kung ang mga ito’y papatay din sa atin, ibig bang sabihin kalaban din natin ang force of nature?”
Unti-unting nagigising si Miley.
“L-Lorenz ... ano ang nangyari?”
“Ilang sandali na lang at lalamunin na tayo ng mga higanteng alon! Mga tsunami! Miley, hindi nga tayo napatay nina Reyna Coreana pero mamamatay pala tayo sa lindol at tsunami! Kaya nga tanong ko, kakampi ba o kalaban sila ng mga undead?”
Nag-isip sandali si Miley, napatingin din sa dagat. Nakakatakot ang mga higanteng alon na ilang sandali na lamang at kakainin na sila.
Pero sa halip na takot ay pagtitiwala ang nasa mukha ni Miley.
“Lorenz ... naniniwala akong hindi ‘yan galing sa kapangyarihan ni Reyna Coreana at ng panginoon niyang masama. Ang mundong ito, ang mga natural na kalamidad, may mga sarili silang batas. Na hindi sakop ng kasamaan. Kaya maniwala na lang tayo na ang mga gabundok na alon na ‘yan ay tatama sa islang ito para malinis at maalis ang mga masasama.”
“Para ring ... noong panahon ng arko ni Noah? Nawala ang mga taong masasama, hindi naniniwala sa Diyos ... ang natira lamang ay si Noah, ang kanyang pamilya at mga hayop. Pagkatapos ng the great flood ay may bago nang buhay ang mundo na ang mga magsisimula ng panibago ay mga mabubuting tao at mga hayop na walang kasalanan?” Itutuloy