Lahat tayo ay may kani-kaniyang problemang hinaharap: may binata na namomroblema sa kaniyang nililigawan, May batang tumatangis dahil walang pambili ng kendi at laruan, may dalagang nawawalan ng kumpiyansa dahil sa tagihawat sa mukha.
Nakaiinip, nakapanghihinayang, at nakapanghihina minsan. Pangkaraniwan lang ang mga ito sa iba’t-ibang tao.
Ngunit ang pang-araw-araw at ordinaryong dalahin at sigaw ng mga Pilipino, “Trapik na naman!”
Sa ngayon, kahit saang sulok yata ng Pilipinas tayo mapadpad ay nakatanghal ang problemang ito.
Ang mga estudyante ay nagkukumahog sa paggising ng umaga para ‘di mahuli sa klase, nanay, tatay, ate, at kuya ay natatanggal na sa trabaho. Ang mga tsuper ay ‘di makaabot sa boundary at lalong wala nang maiuwing kita para sa panggastos ng pamilya.
Malungkot na dumarating na sa punto na hindi na tuloy nakararating ang ama sa kaarawan ng anak. Mas grabe rin ang emosyon kung ang hinahabol ay ang buhay ng mahal sa buhay na may malubhang karamdaman o naghihingalo na at nais lang magpaalam nang harapan. Kahit na malakas na sirena ng ambulansya ay walang nagagawa, lahat ng ito at higit pa ay dahil sa trapiko.
Sa kabila nito, mayroon ding nakalatag na mas malala pang problema – ang kawalan ng kaunlaran ng nakararaming Pilipino. Bakit nga ba hindi umuusad ang buhay natin? Kung umandar man ay tila napakabagal. Sa hinabahaba ng ating pinagdaanan ay narito pa rin tayo na nalulubak sa kahirapan.
Ang kaunlaran ba ay naiipit na rin sa EDSA? Minsan nga nasabi ko, “natrapik na rin ba ang solusyon sa kahirapan?” kung iisipin at paglilimiin, hindi kaya ang sagot ay maaaring nasa atin din? Mananatili na lang ba tayo sa pagkakaupo o kikilos na at maghahanap ng posibleng panibagong daanan? Baka naman mahirap man ay pwede munang maglakad para lang umusad.
Sasabay na lang ba tayo sa trapiko ng buhay? Huwag! Sumama tayong maglakbay kahit mahirap, kahit mabagal.
Tara na! (Filipos 3:13) --Arvin L. Pulido/Holy Word Academy