DAHIL pinipilit siyang tumigil ng pagdadasal, iisang paraan ang naisip gawin ni Miley.
Walang babalang sinuntok niya ang mukha ng undead soldier. Malakas. Bumagsak ito. Nadurog ang bungo.
Tinadyakan naman niya ang pangalawa na nabigla. Kaya hindi nakalaban. Bumagsak din ito. Dahil sa tiyan natadyakan ni Miley, naputol ang katawan nito nang bumigay ang mga buto.
Ang pangatlo ay kinarate ng dalawang kamay ni Miley sa leeg, nahiwalay ang ulo nito.
Diring-diri si Miley sa itsura ng tatlo na parang nadurog. Pero kailangan niyang gawin. Para makapagpatuloy ng pagdadasal.
Ngayong alam na niyang may kapangyarihan ang pagdadasal, ang goal niya ay maigupo ang panginoon ng kadiliman na sinasamba ni Reyna Coreana.
Nagbalik siya sa pagdadasal. Mas taimtim. Mas punung-puno ng paniniwala. Hindi na siya nag-aalinlangan sa kapangyarihan ng Diyos.
“Our Father Who is in heaven, Holy is your name, Your kingdom come, Your will be done …”
Paulit-ulit, puno ng pananampalataya. Hanggang sa naputol ang isang kamay ng imahe, umusok.
KASABAY naman ang pagsigaw ni Reyna Coreana/Reyna Miley. Umusok din ang kanang kamay nito, nasusunog.
“Ano ‘to? Ano’ng nangyayari sa akin? Aking panginoon, bakit hinahayaan mo akong masaktan? Sinisira mo ang kagandahang ikaw ang nagbigay! Aaaahhhhh!|
Hindi makapaniwala sina Lorenz.
“Ang ibig bang sabihin nito ay nananalo si Miley doon sa chamber ni Reyna Coreana?” Tanong ni Lorenz.
“Malamang! May paraang natuklasan si Miley para ang kasamaan ay hindi na mangingibabaw!” Sagot ng isang tao ni Lorenz.
PATULOY pa rin sa pagdadasal si Miley. Nakapikit. Taimtim.
Ang isa sa mga matang nagbabaga, kulay pula, napisak. Ang imahe ay nawalan ng isang mata, parang may isang napakalakas na puwersa na tumusok dito.
Ganoon din ang nangyari kay Reyna Coreana/Reyna Miley. Walang ano-ano’y napisak ang isa sa mga mata.
Itutuloy