Naku sa mga kaibigan n’yong late dumating kapag may handaan, puwedeng-puwede sila sa bansang Bolivia. Parang may tinatawag din kasi silang “Filipino time” kung saan late ng kung hindi tatlumpung minuto ay umaabot pa ng isang oras. Ganyan ang karamihan sa ating mga Pinoy.
Pero balik tayo sa Bolivia. Kung naanyayahan sa isang dinner sa bansang ito, hindi kinakailangang on time dumating. Mas ok pa kung darating ng 20-30 minutes late.
Karaniwang mga bisita ang unang pinagsisilbihan sa hapag. Pero mas magandang asal kung medyo “magpapakipot” pa. Tumanggi muna sa unang alok, at saka lamang kumuha kapag pinilit na ng may-ari ng bahay.
Ang pagkain naman na nakataas ang siko sa hapag ay isang uri ng kabastusan. Sa pagkain, laging gumamit ng kubyertos. Maging sa pagkain ng prutas ay kailangang gumamit ng tinidor o kutsara.
Bago naman uminom, hintayin munang magyaya ng toast. Dapat ay nakatingin din sa taong unang nag-alok ng toast.
Pormal nga sila sa hapag ngunit hindi sila istrikto sa oras ng iyong pagdating. Maging pagkatapos ng kainan ay inaasahang makikipagkuwentuhan muna ang bisita ng mga tatlumpung minuto bago umalis ng bahay. Kumbaga hindi mag-i-“eat and run”.