“Naranasan ko ang matinding lungkot dahil sa sukat ng katawan at bigat sa timbang. Sa tingin at laging bukang-bibig ng mga taong nasa paligid ko ay ang taba ko na at ang sagwa ng hitsura ko. Nakaririndi sa totoo lang.
Pero naniwala ako at nakinig ako sa kanila. Ayaw ko sa ganitong katawan.
Dito na ako nag-umpisang gutumin ang sarili. Dumarating ang gabi na ‘di na ako kumakain.
Bakit mas lumaki ako? Ginawa kong kumain ng tama at mag-exercise. Duon ako pumayat. Tumigil ang mga pangangantyaw.
Akala n’yo ba sumaya ako dahil pinansin ko ang opinyon ng iba? Natakot ako at tumamlay sa pagkain at pananamit. Hindi matanggal sa isip na ‘pag kumain ay baka tumaba ulit. Hindi na magkakasya ang mga damit. Ang pangit! Ito ang sinalaysay ni Alex, nagdadalagang disisais anyos.
Sa panahon ngayon, ang pagiging mataba o kahit konting lapad ay masagwa. Insulto ang pagiging malusog. Mas lalo na sa mga kababaihan kaya nagpapakagutom para maging katanggap-tanggap sa paningin ng lipunan. Mga modelong babe ay hinihimatay dahil ‘di halos kumakain para lang makapaghanapbuhay. Payat lang kasi ang kinukuhang modelo. Nagpapakita sa publiko na ang kanais-nais lang ay payat.
Hindi dapat ganito. Iba’t iba ang komposisyon at kumpleksyon ng katawan ng tao. May mga ipinanganak na big bones. Hindi dapat ikinukumpara ang sarili sa iba. Dapat makontento at magpasalamat sa kung ano ka.
Sinabi ng Bibliya, “Mangagkasiya kayo kung ano ang ipinagkaloob sa inyo....” -Hebreo 13:5.
-Alexandra Beatriz Miguel, 16, Holy Word Academy