TUMULONG sina Miley sa paglaban nina Lorenz sa mga higanteng undead. May dala silang mga sandata. Marami. Kapipiga lang nila ng mga tanim at maraming mababangong katas silang tangay-tangay.
Nakapagpahinga sina Lorenz habang ang grupo naman nina Miley ang lumalaban.
“Miley, kailangang si Reyna Coreana ang mapatay natin. Kung hindi, tayo ang matatalo. Mamamatay tayo bago makaalis sa islang ito.”
“Alam ko ‘yan, Lorenz! Pero paano? Hindi pa natin alam kung paano patayin ang reynang ‘yon!”
“Kahawig mo siya! Baka mapapakinabangan natin ang sitwasyon na ‘yan!”
Natigilan sandali si Miley. Natigil sa pagpana ng katas sa mga higanteng undead.
May katuwiran kasi si Blizzard.
Malalaman niya ang weakness ni Reyna Coreana kapag nagpanggap siyang ito.
“Paano makakalusot iyon sa reyna, Lorenz? Paano ako makakasalisi?”
“Hindi ba si Doktor Larry ay kahawig din ng sundalong undead? Pwede natin siyang pakiusapan na magpanggap at makisali sa mga original na undead soldiers. At tiyak naman na papayag si Doktor Larry, lahat gagawin niya para sa kabutihan ng lahat dahil mabuti siyang tao.”
“Kung ganoon, paplanuhin natin ito nang husto. Mabuti pa, Lorenz ... senyasan na natin ang mga kasama natin na tumakas na tayo. To the next level na natin dadalhin ang pakikipaglaban. Gamit ang paraan na naisip mo.”
Sinenyasan nga ni Lorenz ang mga kasama nila.
Tumakbo na raw sila. Bumuwelo ang mga kasama at walang kasimbilis na tumakas sa lugar ng laban.
Dahil kainitan ng araw, mabagal ang mga higanteng undead.
Hindi kaagad nakasunod.
Nakatakas sina Miley.
BUHAY pa naman si Blizzard. Pero wala pa ring malay. Si Reyna Coreana ay nasagap na ang pagtakas nina Miley.
“Mga duwag talaga! Hindi lumaban ng parehas! De sana namatay na sila sa pagod sa pakikipaglaban sa walang pagkaubos na mga higante kong sundalo!”
“Mahal ni Reyna, bakit hindi ninyo punuin ang buong isla ng mga madyik ninyong higaneng sundalo? Para talagang walang kalaban-laban ang mga kalaban?”
“Hindi ko kayang gawin ‘yan! May limitasyon pa rin ang kapangyarihan ko, bobo!” ITUTULOY