Sino ba ang makapagsasabing sa halagang P100 pesos ay mabubusog ka pa rin, ‘yung busog na hindi pinilit ah. Ewan ko na lang kung hindi ka pa maumay sa irerebyu natin ngayong araw. Narinig n’yo na ba ang YVAN NAVY Burger & Kebab Haus?
Puwes kung hindi pa, patok na patok ‘to sa mga estudyante sa U-Belt sa Maynila. Nagkalat kasi rito ang kanilang branches sa Maynila rin mismo unang nagbukas. Specialty ng nasabing restaurant ang burgers. Ang ating rerebyuhin ay ang kanilang Half pound burger! Hindi regular at hindi rin quarter pounder kundi HALF POUND ang pinag-uusapan natin dito. Nagkakahalaga lang ng P100 ang isang order ng pagkalaki-laking burger. Gawa raw sa 100% beef ang kanilang burger patties (pero ang hinala namin ay may extenders sila dahil sa lasa).
Juicy at mainit-init pa nang i-serve sa amin ang aming buger. Grilled nga pala ang burgers nila at hindi pinirito lang. Healty ‘di ba?
Hindi ka naman madi-disappoint dahil hindi ito basta-bastang burger lang, sulit sa presyong isandaang piso, huh! May kamatis, white onions, at lettuce na nakaloob sa burger. Hindi rin regular bun lang ang ginamit dahil topped with black sesame seeds ang kanilang tinapay. Masarap din ang kanilang special sauce at kung trip n’yong lagyan ng kebab sauce ay puwedeng-puwede rin. Kahit #saucepamore ang drama mo ay hindi ka nila pipigilan.
Kung lasa naman ang pag-uusapan, hindi ka man mapa-wow ay siguradong babalik-balikan mo ito dahil sa murang halaga ay mai-enjoy mo na ang grilled burgers. Talagang presyo ang panlaban nila sa iba, sumusunod ang lasa at siyempre grilled nga at hindi fried ang kanilang burger patties.
Pasok na pasok sa budget at panlasa ang Half Pound Burger ng YVAN NAVY kaya kung may mga kaibigan, kaopisina, at kapamilya kayong mahilig magpalibre. Dalhin n’yo sila sa nasabing restaurant at siguradong sila ang susuko sa kabusugan. Hindi aaray ang bulsa n’yo sa murang-murang grilled burgers dito.
Ang YVAN NAVY ay matatagpuan sa Honradez St. (bet. San Diego st. at Quintos St.), Recto, Visayas Ave., Pedro Gil, P. Campa, Mendiola, Intramuros, Retiro, Sct. Tobias, Sta. Mesa, at Taft. Soon to open naman ang kanilang Maginhawa branch. Burp!
Para sa mga katanungan at suhestiyon maaaring mag-email sa burpnikoko@gmail.com.